Muling ipinahayag ng Department of Education – National Employees Union (DepEd-NEU) ang kanilang matibay na suporta kay Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, kasabay ng panawagang itaas sa P20,000 ang Collective Negotiation Agreement (CNA) incentive para sa mahigit 60,000 non-teaching personnel mula sa mga paaralan hanggang sa Central Office.
Ayon kay DepEd-NEU national president Atty. Domingo Alidon, simula pa lamang ng pamumuno ni Secretary Angara, naramdaman ng kanilang mga miyembro ang matibay na aksyon at malasakit ng liderato sa kanilang kapakanan.
Isa sa mga pinaka-napapansing hakbang ay ang unang P10,000 CNA incentive na naipagkaloob sa kanila na itinuturing na isang makasaysayang pagkilala sa dedikasyon at serbisyo ng mga administrative at non-teaching personnel.
“Ito ang unang pagkakataon na tunay na naipakita ng pamunuan ang pagpapahalaga sa backbone ng DepEd,” ayon kay Alidon.
Bagama’t ipinagdiriwang ang makasaysayang P10,000 grant, nanawagan ang DepEd-NEU na itaas ito sa P20,000, na nakabase sa mga patakarang inilatag ng Department of Budget and Management (DBM), kung saan ang maximum CNA incentive ay maaaring umabot ng P30,000.
Ani DepEd-NEU, naniniwala silang sa ilalim ng mahusay at makataong pamumuno ni Secretary Angara, posible at nararapat na maabot ng lahat ng miyembro ang pinakamataas na benepisyo na pinapayagan ng batas.
Binigyang-diin ng unyon ang kanilang matibay na pagtitiwala at suporta sa liderato ni Secretary Angara at ang kanilang pangako na ipagpatuloy ang masigasig na serbisyo sa misyon ng DepEd.
“Naniniwala kami sa positibong epekto ng pamumuno ni Secretary Angara sa kapakanan ng non-teaching personnel at umaasa kami na patuloy niyang aalagaan ang amin at ang aming pamilya, na mag-iiwan ng pangmatagalang legacy na ipagmamalaki ng DepEd employees sa mga susunod na henerasyon,” ayon sa manifesto ng DepEd-NEU.
Ang pahayag ay nilagdaan noong 1 Disyembre 2025, bilang tanda ng solidaridad at suporta ng buong unyon kay Secretary Angara. (Arnold Pajaron Jr)
