UPANG maisulong ang data-driven at location-based planning sa mga programa ng agham at teknolohiya, nagsagawa ang Department of Science and Technology (DOST) Ilocos Region ng hybrid training sa Geographic Information System (GIS) noong Oktubre 14, 2025 sa DOST Multipurpose Hall sa Lungsod ng San Fernando, La Union.
Ang pagsasanay, sa ilalim ng proyektong Smarter Approaches to Reinvigorate Agriculture as an Industry in the Philippines (SARAI), ay dinaluhan ng 23 personnel mula sa regional at provincial offices ng DOST.
Ayon kay Mr. Christian Domnic I. Casimiro, Capacity Development Lead ng SARAI Ilocos Region, layunin ng aktibidad na palakasin ang paggamit ng GIS sa evidence-based governance at program management.
“Sa pamamagitan ng GIS, mas nauunawaan natin ang ugnayan ng mga salik gaya ng agrikultura, kapaligiran, at disaster risk reduction,” aniya. “Ito ang nagbibigay-daan sa mas makatarungan at matalinong desisyon para sa mga komunidad na ating pinaglilingkuran.”

Tinalakay sa training ang mga pangunahing konsepto at aplikasyon ng Geographic Information System, isang mahalagang kasangkapan sa paglikha, pag-iimbak, at pagsusuri ng geographically referenced data. Ipinakita rin kung paano ito nakatutulong sa gender-responsive planning sa pamamagitan ng pagkilala sa iba’t ibang pangangailangan at kahinaan ng mga sektor sa bawat lokasyon.
Nagsilbing mga resource persons sina Engr. Novilyne O. Obfan, Lead Researcher at GIS Expert ng SARAI Ilocos Region, at Ms. Mirriam A. Oliva, GIS Support ng DOST SARAI.

Tinalakay ni Engr. Obfan ang mga batayan ng GIS, paggamit ng QGIS interface, at nagpasagawa ng hands-on exercises sa symbology styling, raster datasets, at map layouting. Pinangunahan naman ni Ms. Oliva ang mga aktibidad sa georeferencing, digitizing raster data, map projection, visualization, at data clipping.
Layunin ng pagsasanay na maitawid ang kakulangan sa kaalaman at kasanayan sa paggamit ng geographic tools sa operasyon ng DOST Ilocos Region.
Ayon sa ahensya, ang paggamit ng GIS ay magpapalakas sa monitoring, evaluation, at spatial analysis ng mga proyekto sa rehiyon.
Sa kanyang closing remarks, binigyang-diin ni Mr. Decth-1180 P. Libunao, Assistant Regional Director for Field Operations at SARAI Focal Person ng DOST Ilocos Region, ang kahalagahan ng aplikasyon ng bagong kaalaman sa kani-kanilang tanggapan.
“Ang paggamit ng GIS ay hindi lang teknikal na kasanayan, kundi isang paraan upang mas maayos nating maihatid ang serbisyo at mas mapatatag ang ating mga programa,” ani Libunao.
Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na inisyatiba ng DOST Ilocos Region sa ilalim ng Project SARAI upang itaguyod ang makatalinong, technology-based, at data-driven planning para sa mas produktibong sektor ng agrikultura at mas epektibong pamamahala sa rehiyon. (MINA PADERNA)
