NAGMISTULANG ghost town ang dating masiglang bahagi ng Hillsdale Summit Subdivision sa Angono, Rizal, matapos ipasara ang mga daanan at mapilitang huminto sa operasyon ng mga negosyo roon sa gitna ng ipinatutupad na Writ of Execution laban sa ilang istruktura sa lugar.
Tinatayang 200 hanggang 300 empleyado ng iba’t ibang establisimyento kung saan karamihan ay mga part time students, kabilang na ang mga manggagawa ng kilalang Tagpuan Restaurant at iba pang overlooking cafés, ang posibleng mawalan ng hanapbuhay kasunod ng kautusan ng korte na nag-ugat sa matagal nang alitan sa lupa.
Ayon sa Sheriff’s Supplemental Report ni Sheriff IV Ronaldo C. Olorcísimo, kabilang umano sa saklaw ng kautusan ang mga istrukturang nasa N. Bernardo Street, kung saan matatagpuan ang Tagpuan Restaurant.
Gayunman, nilinaw ng sheriff sa kanyang follow-up report na hindi kabilang ang Tagpuan sa lupang pinagtatalunan at humiling ng klaripikasyon sa korte upang maiwasan ang maling pagpapatupad ng demolisyon.
Samantala, muling sumiklab ang tensiyon sa lugar matapos hindi payagan ng mga nakamaskara na kalalakihan, na ayon sa ilang residente, empleyado at maliliit na negosyante ay kontrolado ng Park Developers Inc., sa pangunguna ni Reynaldo Jesus B. Pasco Jr. na makapasok ang mga customer at empleyado ng ilang negosyo sa paligid.
Dahil dito, pansamantalang tumigil ang operasyon ng mga café at kainan, na lalo pang nagpatamlay sa dating mataong lugar.
Sa panig ng mga negosyante, iginiit ni Jane, isang empleyado ng Tagpuan, na wala silang kinalaman sa kasong may kaugnayan sa lupa at nadadamay lamang sa isyu.

“Wala po yung pangalan ng may-ari dito at hindi rin po kasama ang aming lugar sa order ng sheriff. Negosyo po kami, hindi respondent sa kaso. Malinaw sa dokumento na kay Calinisan ang tinutukoy, at sa pagkakaalam ko po, patay na siya,” pahayag ni Jane.
Dagdag pa niya, nabili sa auction ang lupang kinatatayuan ng Tagpuan at bayad sa lahat ng buwis.
“Binili nila sa capitol at binayaran ng real property tax. Hindi lang kami nagbabayad ng BIR tax kundi pati property tax. Sana buksan nila ang gate at paalisin ang mga civilian na nangha-harass sa aming mga customer,” aniya pa.
Nadismaya rin siya sa pahayag ng lokal na pamahalaan ng Angono na hanapan sila ng lilipatang lugar, na tinawag niyang “hindi makatarungan”.
“LGU rin naman ang nagbigay sa amin ng business at building permit noon. Hindi tama na basta-basta kaming paalisin,” dagdag ni Jane.
Nagpasalamat naman sila kay PCOL Feloteo A. Gonzalgo, Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office, sa mabilis nitong aksyon matapos makarating ang ulat ng nangyayaring tensiyon.
Agad niyang itinawag sa Angono Police Station ang insidente at nagpadala ng mga pulis upang tiyakin ang seguridad at kaayusan sa lugar na nangakong patuloy na magbabantay.
Samantala, bagama’t naglabas na ng kautusan ang korte, patuloy na umaapela ang mga negosyante para sa linaw sa saklaw ng implementasyon ng Writ of Execution.
Nananawagan sila ng patas na pagdinig, dayalogo sa LGU, at proteksyon para sa kanilang mga empleyado at negosyo, habang unti-unting lumulubog sa katahimikan ang dating buhay na buhay na komunidad ng Hillsdale. (ARNOLD PAJARON JR)
