BILANG bahagi ng paghahanda para sa pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas, personal na nagsagawa ng sorpresang inspeksiyon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II sa ilang bus terminal sa Bacolod City nitong Sabado, Oktubre 18.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking ligtas at maayos ang biyahe ng publiko sa darating na All Saints’ at All Souls’ Days sa Nobyembre 1 at 2.
Kabilang sa mga ininspeksyon ni Mendoza ang Ceres North Bus Terminal at Bacolod North Bound Terminal, kung saan tiniyak niyang sumusunod ang mga kumpanya ng transportasyon sa mga itinakdang patakaran ng LTFRB.
“Palapit na ng palapit ang Undas at napakarami sa ating mga kababayan ang magbi-biyahe. This early, tinutugunan na natin ang usual na mga reklamo sa mga bus terminals,” ani Mendoza.
Sinuri ng opisyal maging ang mga waiting area, comfort room, at pasilidad ng dalawang pangunahing terminal sa lungsod, at binalaan ang mga operator na ang mga sorpresang inspeksiyon ay isasagawa nang regular.
Mula nang maupo bilang LTFRB Chairman, inatasan ni Mendoza ang lahat ng Regional Directors ng ahensya na magsagawa ng masusing inspeksiyon sa mga terminal at pampasaherong sasakyan bilang bahagi ng Undas safety campaign.
Kasabay nito, pinatitiyak din sa mga kumpanya ng bus at transport operators na ligtas at komportable ang kanilang mga pasilidad, maging ang kondisyon ng mga bus, driver, at konduktor.
Sa parehong pagbisita, sumakay din ng pampasaherong jeep si Mendoza bilang pagsunod sa direktiba ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez sa lahat ng opisyal ng departamento na maranasan mismo ang sitwasyon ng pampublikong transportasyon upang makagawa ng konkretong rekomendasyon.
Dagdag pa ni Mendoza, magsasagawa na rin ng “mystery passenger operations” sa buong bansa simula Oktubre 24 upang matiyak ang pagsunod ng mga terminal sa mga alituntunin.
“Hindi lang tuwing Undas, Mahal na Araw o Pasko dapat ginagawa ang inspeksiyon. Regular itong gagawin para sa ikabubuti ng ating mga pasahero,” diin pa ng LTFRB Chairman.
Binalaan din ni Mendoza ang mga transport company na mapatutunayang lumalabag sa safety at service standards ng ahensya, at iginiit na maaaring makansela ang kanilang prangkisa kung mapapabaya sa kaligtasan ng mga pasahero. (MINA PADERNA)
