Mariing tinutulan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mungkahi ni Sen. Rodante Marcoleta, dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na isailalim sa Witness Protection Program (WPP) ang mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” at Cezarah “Sara” Discaya, na sangkot umano sa bilyon-bilyong anomalya sa flood control projects.
Ayon kay Sotto, hindi makatarungan na bigyan ng proteksyon ng gobyerno ang mga Discaya na tahasang nagpakasasa sa yaman mula sa buwis ng taumbayan.
“Hindi naman pwedeng makakuha sila ng proteksyon ng gobyerno pero ang dami nilang nakuhang pera ng bayan. Unfair sa mga kababayan natin ‘yon,” giit ni Sotto.
Dagdag pa niya, kailangan munang ibalik ng mag-asawa ang kanilang kinulimbat na pondo at magsabi ng buong katotohanan bago sila ikonsiderang maging state witness.
Tinuligsa rin ni Sotto ang magkasalungat na testimonya ng Discaya couple sa Senado at sa Kamara. Aniya, maging si Pasig City Mayor Vico Sotto, kanyang pamangkin, ay nagbunyag ng mga kasinungalingan ng mga ito na naging hudyat ng malawakang imbestigasyon sa flood control anomalies.
“Sabi nga ni Mayor Vico Sotto, sinungaling sila. Hindi ganon kadali ang hiling nila,” dagdag ng Senate President.
Aminado si Marcoleta na siya mismo ang nagmungkahi sa Discayas na maaaring maging state witnesses kung maghahain sila ng sworn statement at makapagsisiwalat ng katiwalian sa proyekto. Nagpadala pa siya ng liham sa Department of Justice (DOJ) upang irekomenda ang kanilang pagsailalim sa WPP.
Ngunit tumanggi si Sotto na pirmahan ang naturang liham at iginiit na dapat konsultahin ang bagong Blue Ribbon Committee Chair na si Sen. Panfilo Lacson, gayundin ang DOJ na susuri kung kwalipikado ang mag-asawa.
Batay sa DOJ, kinakailangang ang aplikante ay may kaalaman sa isang mabigat na krimen; ang kanyang testimonya ay mahalaga, corroborated, at walang ibang direktang ebidensya; hindi siya kabilang sa “most guilty”; at may tunay na banta sa kanyang buhay o pamilya.
Maaaring tanggapin ang isang kasabwat sa krimen kung ang kanyang testimonya ay kritikal para sa prosekusyon at kung pipirma siya ng Memorandum of Agreement ukol sa kanyang responsibilidad bilang saksi.
Sa kaso ng Discaya couple, iginiit ni Sotto na malinaw na sila ay kabilang sa pinakakinabang sa anomalya dahil sa kanilang mansyon, mamahaling sasakyan, alahas, at bilyong pisong yaman. (ARNOLD PAJARON JR)
