Naglabas ng Executive Order (EO) No. 94 si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lumikha ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang three-member independent ad hoc fact-finding commission na tututok sa mga iregularidad sa flood control at iba pang infrastructure projects sa nakalipas na sampung taon.
Ayon sa Palasyo, pipiliin ang chairperson at dalawang miyembro ng ICI mula sa mga taong may kompetensya, integridad at pagiging independent, at walang pulitikong kasali.
“We have made very sure that they are in fact independent; truly independent,” giit ni Marcos.
May subpoena powers ang ICI at maaari ring magrekomenda sa Department of Justice (DOJ) kung sino ang maaaring tanggapin bilang state witness. Obligado ring sumunod ang mga opisyal at pribadong indibidwal sa anumang subpoena, kung hindi ay haharap sila sa kasong administratibo o kriminal.
Maaari ring irekomenda ng komisyon ang paghahain ng reklamo laban sa mga sangkot sa Office of the Ombudsman at DOJ.
Itinuring ni Marcos ang bagong komisyon bilang “investigative arm” ng kanyang administrasyon laban sa malawakang katiwalian sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nagsimula ang crackdown matapos ang mga pahayag ng ilang contractor at dating DPWH officials na naglantad ng kickback scheme at money laundering na kinasasangkutan ng ilang district engineers, opisyal ng DPWH, at mga pulitiko.
Noong Agosto at Setyembre, dalawang privilege speech ni Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson ang naglatag ng mga pangalan at kumpanya, kabilang sina dating DPWH Bulacan engineer Henry Alcantara, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, at ang tinaguriang “BGC boys” na umano’y sangkot sa money laundering gamit ang mga casino. (BOYET BARBA JR)
