Si Jose Rizal nasa likod, kami nasa harap. Subalit siya pa rin ang bida.
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
HINDI ito ordinaryong pagpupulong. Pagbabalik-tanaw ito ng dalawang (2) bansang pinaghiwalay ng apatnaraang (400) taon ng kolonisasyon, subalit pinag-ugnay ng isang bagay na mas matibay pa sa galleon – ang aklat.
Pumasok sa National Library of the Philippines (NLP, itinatag 1887) si Kgg. Paula Isabel Roure-Linhoff Carrion, ang bagong Puno ng Kultural, Siyentipiko, at Administratibong mga Gawain ng Embahada ng Espanya sa Maynila, kasama ang cultural officer na si Bb. Pamela Bigornia.
Hindi sila nagdala ng espada. Nagdala sila ng draft. Draft ng Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng NLP at ng Biblioteca Nacional de España (itinatag 1711), ang Pambansang Aklatan ng Espanya na mas matanda pa sa karamihan ng mga kalye sa Intramuros.
Sila ay sinalubong ni Direktor Cesar Gilbert Q. Adriano, kasama ang buong puwersa ng NLP: Edgardo B. Quiros, Pangalawang Direktor; Jennifer B. Dimacasa, Pinuno ng Bibliographic Services; at Manuel M. Diaz, Pinuno ng Filipiniana Division – mga tagapagbantay ng ating alaala.
Ano ang pinag-usapan? Hindi lang papeles. Pinag-usapan kung paano pagdudugtungin muli ang dalawang (2) aklatan na minsang iisa lang ang pinagmulan. Ang mga dokumento na nasa Madrid. Ang mga dokumento ng Espanya na nasa Maynila. Ang mga manuskritong nasa Latin, Espanyol, at Tagalog na sabay na nanginginig sa lamig ng archive.
Ayon sa pulong: “Cooperacion futura”- hinaharap na kooperasyon. Subalit sa totoo lang, ito ay “reconnexion historica” – muling pagdugtong.
Pagkatapos ng pormal na usapan ay naganap ang magandang bahagi: Dinala ang mga panauhin sa Permanent Gallery ng NLP. Hindi sa conference room, kundi sa puso mismo ng aklartan. Doon, sa harap ng mga piling koleksyon ng Filipiniana: mga unang edisyon, mga sulay-kamay, mga aklat na nakaligtas sa digmaan, baha, at kapabayaan – ang lahat ay tumahimik. Dahil sa wakas, pagkaraan ng 400 taon, hindi na Espanya ang nagtuturo sa Pilipinas kung anong babasahin.
Pilipinas na at Espanya ang magkasamang nagpapasya kung anong dapat tandan: De Manila a Madrid. De Madrid a Manila. Ang aklat ang tulay.
