Inatasan ng Sandiganbayan Fifth Division ngayong Lunes ang 90-araw na preventive suspension laban kay Senador Jose “Jinggoy” Estrada kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y anomalya sa P573 milyong halaga ng infrastructure projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2025.
Sa limang pahinang resolusyon na pirmado ni Associate Justice Zaldy Trespeses, chair ng Fifth Division, at ipinalabas noong Oktubre 12, binigyang-diin ang pansamantalang pagpapatalsik sa senador habang gumugulong ang paglilitis.
“[A]ccused Senator Jose ‘Jinggoy’ P. Ejercito Estrada is suspended from his position as Senator of the Republic of the Philippines and from any other public office which he may now or hereafter be holding for a period of ninety (90) days from receipt of this Resolution,” nakasaad sa resolusyon.
Ayon sa mga special prosecutor, nag-ugat ang kaso sa isang komplikadong mekanismo ng mga di-umano’y pondo at project allocations na pumasok nang ilegal sa 2025 infrastructure budget ng DPWH.
Inatasan din ng Sandiganbayan na magpadala ng kopya ng resolusyon sa Office of the Senate President para sa pagpapatupad nito.
Kailangan namang mag-ulat ng Senado sa loob ng limang araw ukol sa kanilang aksyon ukol sa direktiba. Kusa ring mawawalan ng bisa ang suspensyon pagkaraan ng 90 araw mula sa pagpapatupad nito.
Nilinaw ng korte na nalutas na nito ang lahat ng apela at mosyon ukol sa pagpapatibay ng mga pormal na paratang (case information) laban sa senador, kaya’t naging ministerial duty o obligasyon na ng korte ang pagpapalabas ng suspension order.
Bago ito, naghain si Estrada ng Motion for Reconsideration (MR) upang harangan ang paggawang state witness ng Office of the Ombudsman kay dating DPWH Chief Manuel Bonoan, ngunit tinanggihan ito ng korte noong Oktubre 9.
Ang hakbang na ito ay kasunod din ng hiwalay na suspension order na ibinaba ng Sandiganbayan Second Division laban kay Estrada noong Hunyo 22 para sa isa pang kaso ng graft.
