Inatasan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) na ibalik sa mga customer nito ang humigit-kumulang P2.64 bilyon na sobrang naisiningil na singil sa kuryente.
Ipatutupad ang refund sa average rate na P0.1020 bawat kilowatt-hour (kWh) sa loob ng humigit-kumulang anim na buwan. Mas maikli ito kumpara sa panukala ng Meralco na ipamahagi ang refund sa loob ng 12 buwan sa rate na P0.0487/kWh, upang mas mabilis na makaramdam ng ginhawa ang mga tagatangkilik sa gitna ng mataas na singil sa kuryente.
Ayon sa ERC, ipinagtibay ang naturang direktiba noong Oktubre 9 sa ilalim ng ERC Case No. 2026-129 RC na nagbibigay ng provisional authority sa Meralco para sa true-up ng distribution charges mula Enero hanggang Hunyo 2026.
Sa ginawang pagsusuri at confirmation process sa Actual Weighted Average Tariff (AWAT), nadiskubre ng regulatory body na umabot sa P1.5537/kWh ang tunay na piningil ng Meralco—mas mataas kumpara sa pinapayagang distribution rate na P1.3522/kWh. Dahil dito, nakakolekta ang Meralco ng humigit-kumulang P0.20/kWh o kabuuang P5.36 bilyon na labis sa dapat singilin.
Matapos ibawas ang mga naunang refund at true-up adjustments, ang natitirang net amount na dapat maibalik sa mga consumer ay P2.64 bilyon.
Makikita ang refund sa buwanang bill ng mga customer bilang hiwalay na line item na nakamarka bilang “AWAT (Refund)/Collect.”
Nakadepende naman ang eksaktong halaga ng refund sa klase ng customer. Ang pinakamataas na rate ay ipatutupad sa Flat Streetlights na may ₱0.1764 bawat kWh, na sinusundan ng Residential at General Service A na may P0.1733 bawat kWh. Para naman sa General Service B, ang refund rate ay P0.1147 bawat kWh, habang P0.0706 bawat kWh ang para sa GHMSCI o mga ospital ng pamahalaan, metered streetlights, at charitable institutions. Para sa General Power, ang rate ay P0.0514 bawat kWh, at P0.0128 bawat kWh naman para sa Generator Wheeling, na nagreresulta sa kabuuang average refund rate na P0.1020 bawat kWh.
Binigyang-diin ni ERC Chairperson at CEO Atty. Francis Saturnino Juan na ang true-up mechanism ay nagsisilbing proteksyon upang matiyak na makatarungan ang binabayaran ng publiko.
Nilinaw naman ng ERC na provisional pa lamang ang refund na batay sa paunang beripikasyon. Isasailalim pa ito sa pormal na review sa mga nakatakdang pagdinig mula Oktubre 16 hanggang 23.
Required din ang Meralco na magsumite ng buwanang report sa ERC upang matiyak ang buong pagpapatupad nito.
