Ibinunyag ng isang forensic financial analyst sa Senate impeachment court ngayong Lunes na ang mabilis na pagpasok at paglabas ng pondo sa Cale88 Food Corp., isang kumpanyang may kaugnayan sa asawa ni Vice President Sara Duterte na si Mans Carpio, ay nagpapakita ng sintomas tulad ng money laundering.
Ayon kay Alexander Cabrera, isang abogado at certified public accountant, ang naturang mekanismo ay tinatawag na “revolving door,” kung saan ang pondo ay pumasok at lumabas sa kumpanya sa parehong araw o sa kasunod na araw nang walang naiaambag na halaga sa kita ng negosyo.
Nilinaw naman ni Cabrera na hindi niya tahasang kinokonklusa na may nangyaring money laundering, kundi ipinupuntos lamang na ito ay isa sa mga pangunahing indikasyon o sintomas nito.
“Ang pera ay papasok at lalabas. Yan mismo ang nangyayari sa karaniwang mga transaksyon ng money laundering… Ipinupuntos ko lamang ang sintomas: kapag ang pondo ay pumasok sa kumpanya at lumabas sa parehong araw o kinabukasan, wala itong naidagdag na halaga sa kumpanya,” paliwanag ni Cabrera matapos tanungin ni Senator-judge Raffy Tulfo ukol sa mga kahina-hinalang pampinansyal na gawain ng mag-asawa.
Ang Cale88 Food Corp. ay isang kumpanyang gumagawa at nag-e-export ng banana chips na itinatag noong 2021. Nagsilbi si Carpio bilang incorporator, direktor, at shareholder ng kumpanya mula 2021 hanggang 2024 na may 47.5 porsyentong ownership stake.
Bagama’t wala na ang pangalan ni Carpio sa General Information Sheet (GIS) ng kumpanya noong 2025 at pinalitan ng Pikimong Philippines Corp., idineklara pa rin ni VP Sara ang Cale88 bilang isa sa kanyang business interests sa kanyang 2025 SALN.
Bukod dito, walang naitalang electronic certificate authorizing registration para sa paglipat ng interes kay Pikimong at hindi rin umano nabayaran ang kaukulang transfer taxes.
Dagdag pa ni Cabrera, walang mga rekord ng manufacturing at raw material inventory ang Cale88 na kailangan sa paggawa ng banana chips, pati na rin ang mga kinakailangang kagamitan o pasilidad para sa isang kumpanyang kumikita ng daan-daang milyon. Walang din umanong rekord na ipinasa para sa sub-contracting sa ibang kumpanya.
Binigyang-diin din ni Sen. Tulfo na panibagong “red flag” ang patuloy na pag-uulat ng net loss ng Cale88 taon-taon sa kabila ng malalaking pondong pumasok dito mula sa mga bansang itinuturing na “high-risk” o may kaugnayan sa money laundering.
