NATIKLO ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa pina-igting na operation kontra wanted persons sa Lungsod ng Valenzuela ang isang babae na wanted sa Pasig City.
Sa ulat, nakatanggap ng tip mula sa isang mapagkatiwalaang importante ang mga tauhan ni NPD Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio na nagtatago umano sa Valenzuela City ang 29-anyos na bebot na si alyas “Lota”.
Napag-alaman ng mga operatiba ng District Mobile Force Battalion–Intelligence Section ng NPD na ang akusado ay kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person (MWP) ng Pasig City Police Station kaya agad nilang ikinasa ang pagtugis kay alyas “Lota”.
Alas-2:40 ng madaling araw nang tuluyang matunton ng mga pulis ang akusado sa kanyang tinutuluyan sa Phase II, Libis Street, Barangay Canumay East.
Ang akusado ay dinakip ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Presiding Judge ng Regional Trail Court (RTC) Branch 166, Pasig City noong February 26, 2025 para sa Qualified Theft (29 Counts).
May inirekomenda namang piyansa ang korte na halagang P1,044,000.00 para sa pansamantalang paglaya ng akusado. (JUVY LUCERO)
