September 19, 2024

BABAENG NAKA-BISIKLETA TIGBAK SA KILLER TRUCK

NASAWI ang isang 31-anyos na bebot matapos masagasaan ng isang 10-wheeler truck habang sakay sa kanyang bisikleta sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.

Kuha ni Maryrose Mercado Dayto/FB

Ayon kay Navotas police chief P/Col Rolando Balasabas, dead on the spot si Lanie Baylon, 31 ng Blk 21 Lot 5 Package 2 Area 1 Dagat-dagatan matapos maipit ang kanyang katawan sa pagitan ng mga gulong ng truck na may plakang (REP-196) at minamenho ni Joel Tayamora, 40, residente ng 871 Gulod Bagbaguin, Sta Maria, Bulacan.

Sa imbestigasyon ni traffic investigator P/Cpl. Antonio Bugayong, naganap ang insidente dakong alas-4:45 ng hapon sa intersection ng North Bay Boulevard at C-3 Road, Brgy. North Bay Boulevard South (NBBS) Proper.

Lumabas sa imbestigasyon, tinatahak ng biktima sakay ng kanyang bisikleta ang naturang lugar nang masagi ito ng 10-wheeler truck na minamaneho ni Tayamora.

Sa lakas ng impact, nakaladkad pa ang biktima at naipit ang kanyang katawan sa gulong ng truck na nagresulta ng kanyang kamatayan.

Naaresto naman ng rumespondeng mga pulis at traffic enforcers ang truck driver na i-prinisinta sa Navotas City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.