Inanunsyo ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong araw ang dagdag na P0.3428 kada kWh sa singil sa kuryente ngayong Hulyo kaya nasa P14.8261 kada kWh ang kabuuang rate para sa isang pangkaraniwang pamilya.
Para sa mga residential customer na may karaniwang konsumo na 200 kWh, katumbas ito ng P69 na dagdag sa kanilang kabuuang bill sa kuryente ngayong buwan.
Pagtaas ng generation charge dahil sa mas mataas na presyo ng fuel at Malampaya shutdown
Ang pangunahing dahilan ng dagdag-singil ngayong Hulyo ay ang generation charge, na tumaas ng P0.1800 kada kWh kaya nasa P9.2504 kada kWh ito bunsod ng mas mahal na presyo ng fuel.
Ang singil ng First Gas/Prime CoreGen ang pinakamahal sa billing period na ito at tumaas ng P0.3613 kada kWh. Kasunod ito ng isang buwang scheduled maintenance shutdown ng Malampaya natural gas facility simula noong Hunyo 15, 2026. Dahil dito, kinailangan gumamit ang mga plantang Sta. Rita at San Lorenzo ng mas mahal na liquefied natural gas (LNG).
Tumaas naman ng P0.2678 kada kWh kaya nasa P8.8694 kada kWh ang singil mula sa mga post-EPIRA Power Supply Agreement (PSA) bunsod ng epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Gitnang Silangan sa global energy market.
Samantala, umakyat naman sa P8.0337 kada kWh ang Wholesale Electricity Spot Market (WESM) prices matapos umabot sa record-high na 14,534 MW ang demand sa Luzon noong Mayo 28, 2026. Nagresulta ang tighter supply conditions sa mas madalas na pagpapatupad ng secondary price cap sa WESM.
Pinunan ng FirstGas/Prime CoreGen, mga PSA, at WESM ang 22%, 72%, at 6% ng kabuuang pangangailangan sa supply ng Meralco para sa period na ito.
Mas mataas na mga buwis at iba pang singil
Nagtala naman ng P0.0960 kada kWh na pagtaas sa mga buwis. Ang pangunahing sanhi nito ay ang paggamit ng First Gas/Prime CoreGen ng LNG na mayroong 12% na value-added tax (VAT) dahil hindi muna magagamit ang Malampaya gas na walang VAT.
Tumaas rin ang transmission charge at iba pang singil ng P0.0668 kada kWh.
Samantala, nanatiling suspendido naman ang koleksyon ng P0.0371 kada kWh na Green Energy Auction
Allowance (GEA-All) hanggang Agosto 2026 alinsunod sa direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ang mga pass-through charges para sa generation at transmission ay direktang binabayaran ng Meralco sa power suppliers at grid operator, habang ang buwis, universal charges, at Feed-in Tariff Allowance ay inireremit sa pamahalaan.
Wala pa rin pagbabago sa distribution charge ng Meralco simula noong bumaba ito ng P0.0360 kada kWh para sa tipikal na residential customer noong Agosto 2022.
Paalala sa ligtas na paggamit ng kuryente ngayong tag-ulan
Kasabay ng mga pag-ulan na pinalakas ng Bagyong Inday (international name: Bavi), pinaaalalahanan ng Meralco ang mga customer nito na patuloy na ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente.
Kung mayroong pagbaha, makakabuting patayin agad ang main power switch o circuit breaker at tiyaking tuyo ang mga kamay bago hawakan ang anumang electrical appliance at pasilidad. Dapat din panatilihing tuyo ang lahat ng electrical wires, connectors, at iba pang wiring devices sa lahat ng oras. Kung nabasa ang mga saksakan o appliances, ipasuri muna ito sa isang lisensyadong electrician bago gamitin.
Pinayuhan din ng Meralco ang mga customer na panatilihing bukas at handa ang lahat ng communication channels at i-charge ang mga mobile phone, laptop, radyo, at iba pang communication gadgets.
Meralco, suportado ang mga customer choice program
Patuloy naman ang suporta ng Meralco sa mga customer choice program ng pamahalaan at hinihikayat ang mga kwalipikadong customer na sumali sa competitive retail electricity market upang lubos na mapakinabangan ang mga benepisyo nito.
Kasunod nito ang ipinatupad ng ERC na pagpapababa ng threshold sa ilalim ng Retail Competition and Open Access (RCOA) sa 100 kilowatts (kW) simula Hunyo 26, 2026. Nagbigay daan ito para mas maraming konsyumer, kabilang ang mga medium-sized enterprises, ang makapili ng sarili nilang electricity supplier.
Patuloy rin ang pagsuporta ng Meralco sa mas maliliit na end-users ng kuryente na makalahok sa contestable market. Sa pamamagitan ng Retail Aggregation Program, ang mga kabahayan at maliliit na negosyo na hindi kayang umabot sa 100-kW requirement nang mag-isa ay maaaring pagsama-samahin o i-aggregate ang kanilang demand sa kuryente para sama-sama nilang mapakinabangan ang benepisyo na makapili ng supplier ng kuryente.
Para sa mga katanungan at alalahanin tungkol sa serbisyo ng kuryente, maaaring i-report ito sa pamamagitan ng My Meralco app o sa mga opisyal na social media account ng Meralco sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X na kilala dati bilang Twitter (@meralco). Maaari rin sumangguni sa pamamagitan ng pag-text sa 0920-9716211 o 0917-5516211 o pagtawag sa Meralco Hotline 16211.
