Nilinaw ng Malacañang ngayong Lunes na ang pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay dating Budget Secretary Amenah Pangandaman bilang chairperson at chief executive officer (CEO) ng Al-Amanah Islamic Investment Bank of the Philippines ay hindi nangangahulugang abswelto na ito sa ginagawang imbestigasyon hinggil sa mga anomalya sa flood control.
Sa isang Palace briefing, binigyang-diin ni Palace Press Officer Claire Castro na hiwalay ang usapin ng bagong posisyon ni Pangandaman sa nagpapatuloy na pagsisiyasat at hindi ito dapat pakahulugan na hinatulan o pinatawad na siya ng Pangulo.
BASAHIN: Herbosa nagbitiw, Pujalte bagong DOH Secretary
Ayon kay Castro, hindi ito usapin patungkol sa mga flood control project at patuloy na pinahihintulutan ng administrasyon ang mga awtoridad na imbestigahan ang sinumang nasasangkot, kaalyado man o hindi, kamag-anak man o hindi.
Idinagdag pa ng opisyal na sa kasalukuyan ay walang kinakaharap na kasong kriminal si Pangandaman, at ipinaalala na hindi ang Pangulo ang nagtatakda ng pananagutang kriminal kundi ang mga kaukulang institusyon.
Sinabi ni Castro na malayang magsampa ng kaso ang sinuman kung mayroon silang sapat na ebidensiya, lalo’t ang Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ang siyang humahawak sa naturang imbestigasyon.
Matatandaang nagbitiw si Pangandaman bilang kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) noong Nobyembre 2025, kasabay ng noo’y Executive Secretary Lucas Bersamin, matapos silang kapwa maiugnay sa pagsusuri ng pamahalaan sa mga iregularidad sa flood control projects.
Ang Al-Amanah Islamic Investment Bank, kung saan siya itinalaga ngayon, ang natatanging Islamic bank sa bansa na pagmamay-ari at kontrolado ng pamahalaan.
