Pormal nang itinalaga ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pinuno ng Philippine Orthopedic Center (POC) na si Dr. Jose Brittanio Pujalte Jr. bilang bagong Kalihim ng Department of Health (DOH) ngayong Lunes, kasunod ng pagbibitiw ni Dr. Teodoro “Ted” Herbosa.
Sa isang press briefing, kinumpirma ni Palace Press Officer Claire Castro na naghain ng courtesy resignation si Herbosa dahil sa kanyang kalusugan matapos sumailalim sa isang medical procedure.
Ayon mismo kay Herbosa, kakailanganin niyang magpokus sa malawakang rehabilitasyon sa susunod na tatlo hanggang apat na buwan.
Matatandaang si Herbosa, na isang doktor at dating DOH undersecretary, ay naitalaga sa puwesto noong Hunyo 2023.
Ang papalit sa kanya na si Dr. Pujalte ay isang beteranong orthopedic surgeon at bihasang public health administrator na may higit tatlong dekada na sa serbisyo sa pamahalaan.
Mula noong taong 2014, naglingkod siya bilang Medical Center Chief II ng POC, na siyang nangungunang specialty hospital sa bansa para sa orthopedics at rehabilitation medicine.
BASAHIN: Palasyo: ‘Ang pagbabanta ay pagbabanta, nanay ka man o Vice President’
Si Pujalte ay nagtapos sa University of the Philippines College of Medicine, may master’s degree sa hospital administration mula sa Ateneo Graduate School of Business, at nakapagtapos ng fellowship training sa mga bansang Japan, United States, at United Kingdom.
Nagsilbi rin siyang pangulo ng Philippine Orthopedic Association at ASEAN Orthopaedic Association, at isa sa mga unang pinagpilian para sa posisyon noong 2022 bago ang pagkakatalaga kay Herbosa. (BOYET BARBA JR)
