KALIGTASAN NG MAG-AARAL, PRIYORIDAD. Personal na siniyasat ni Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang inilatag na seguridad sa isang pampublikong paaralan sa lungsod. Ito ay bago ang opisyal na pagpapatupad ng mas pinahigpit na security measures sa mga kampus, kabilang ang pagpapakalat ng karagdagang pulis, OPSS personnel, at paglalagay ng mga metal detector sa mga pampubliko at pribadong paaralan. (LITRATO MULA SA MARIKINA LGU)
Upang mas mapalakas ang kaligtasan sa loob ng mga kampus sa lungsod, inanunsyo ni Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro nitong Lunes, Hunyo 29, na maglalatag ang pamahalaang lokal ng karagdagang puwersa ng pulisya at Office of Public Safety and Security (OPSS) personnel, gayundin ng mga metal detector sa mga pampubliko at pribadong paaralan.
Isinagawa ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang mga pinahigpit na hakbang sa seguridad kasunod ng mga naganap na mararahas na insidente kamakailan na kinasangkutan ng mga mag-aaral sa iba’t ibang kampus sa bansa.
Bago ang anunsyo, personal na nilibot at siniyasat ni Mayor Maan ang sitwasyon ng seguridad sa ilang malalaking pampublikong paaralan sa lungsod upang matukoy ang mga karagdagang estratehiya para sa kaligtasan ng mga mag-aaral.
“Nitong mga nakaraang araw, personal tayong naglibot sa ilan sa ating malalaking pampublikong paaralan para tingnan ang mga security measures at alamin pa kung ano ang maaari nating idagdag para mas maging ligtas ang ating mga estudyante,” pahayag ng alkalde.
BASAHIN: Matapos ang Ondoy at Ulysses: Giant shoes ng Marikina, muling ibinangon sa City Hall
Nilinaw ng punong lungsod na mayroon nang mga nakatalagang guwardya at awtoridad sa mga paaralan bago pa man pumutok ang mga ulat ng karahasan sa ibang lugar, ngunit binigyang-diin niya na nais ng pamahalaang lungsod na mas maging mahigpit ang mga hakbang upang mapatag ang loob ng mga magulang.
Kasabay nito, malugod ding tinanggap ni Mayor Maan ang 70 bagong rekrut na OPSS personnel na agad na isasabak upang palakasin ang pangkalahatang kaayusan at kaligtasan sa buong lungsod.
Samantala, magkakaroon din ng mga roving police o nagpapatrolyang kapulisan sa paligid ng mga pribadong paaralan, sa pakikipagtulungan na rin sa Marikina Private Schools Association, Inc.
Ayon sa alkalde, ang mga dagdag-seguridad na ito ay naglalayong maghatid ng kapayapaan ng isip para sa mga estudyante, magulang, guro, at buong komunidad ng paaralan.
“Tungkulin at responsibilidad natin na tiyaking hindi lamang de-kalidad na edukasyon ang tinatanggap ng mga mag-aaral, kundi ang pinakamahalaga, ligtas sila sa loob ng kanilang mga paaralan. Mayroon tayong 17 elementary public schools at 16 public high schools sa lungsod, bukod pa sa mga pribadong institusyon. Ang mga lugar na ito ay dapat maging ligtas na kanlungan para sa mga bata,” pagtatapos ni Mayor Maan.
