Inaasahang mabigat na daloy ng trapiko ang mararanasan sa Shaw-Ortigas area simula Miyerkules, Nobyembre 4, hanggang Sabado, Nobyembre 7, kaugnay ng ililipat na Tunnel Boring Machine ng Metro Manila Subway Project.
Ayon sa opisyal na anunsyo ng Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes, Nobyembre 2, magmumula ang pagbiyahe ng naturang makina sa CP104 Stockyard sa Julia Vargas Avenue, Pasig City patungo sa Shaw Boulevard Station sa Mandaluyong City.
Gagamitin ang nasabing boring machine para sa paghuhukay ng mga underground tunnel na mag-uugnay sa Shaw Boulevard at Ortigas Avenue Stations ng subway system.
“Motorists are advised to take alternate routes,” paalala ng DOTr habang humihingi rin ng paumanhin sa anumang abala na idudulot ng pagbibiyahe ng malaking kagamitan.
Sa ilalim ng Contract Package 104 na may kabuuang halagang P18.27 billion, sakop nito ang pagpapatayo ng dalawang pangunahing istasyon sa Ortigas Avenue at Shaw Boulevard, kasama ang humigit-kumulang 3.40 kilometrong subway tunnel.
