Itinanggi ni Cagayan de Oro Rep. Lordan Suan ang mga kumakalat na balitang nanawagan umano siya para sa isang resolution na nag-uutos ng “shoot-to-kill” laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa kapag hindi ito maayos na sumuko sa mga awtoridad.
Sa isang opisyal na pahayag nitong Lunes, binigyang-linaw ni Suan na kailanman ay hindi siya nagbanta na magpatawag ng House committee hearing o nagpanukala ng anumang resolusyon na nagtutulak na patayin ang senador kaugnay ng arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).
“As a lawyer and public servant, I believe firmly in due process and the rule of law,” giit ni Suan, sabay diin na hindi siya kailanman susuporta sa anumang aksyon na nagtataguyod ng karahasan o sumisira sa mga demokratikong prinsipyo.
Harap ngayon si Dela Rosa sa arrest order mula sa ICC para sa diumano’y crimes against humanity kaugnay ng kontrobersyal na war on drugs ng administrasyong Duterte. Si Dela Rosa ang nagsilbing chief ng Philippine National Police (PNP) sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
May inilaan nang P50-million bounty para sa pagdakip kay Dela Rosa, habang idineklarang “fugitive from justice” ng Department of Justice (DOJ) at ng Solicitor General ang dating PNP chief.
Nitong Biyernes, sinabi ni PNP Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Wilson Joseph Lopez sa mga mamamahayag na gagawa ang pulisya ng mga “strictest legal measures” para maaresto ang senador.
Samantala, may mga pekeng quote card na pinalalabas na nagmula sa mambabatas.
“The circulating claim is entirely fabricated. It has no basis in any official statement, interview, legislative action, or public remark of mine. Such disinformation is harmful not only to my name and office but to the public’s right to accurate information,” giit pa ni Suan.
Paalala rin ng mambabatas sa publiko: “I urge the public to verify information from credible and official sources before believing or sharing it. My official social media accounts and the channels of the House of Representatives remain the only reliable outlets for my positions and statements.”
Hindi ito ang unang pagkakataon na naging target ng pekeng quote card si Suan, na isa rin sa mga miyembro ng House prosecution team para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Noong Abril 21, habang tinatalakay ng House committee on justice ang dalawang impeachment complaint laban sa Bise Presidente, pinabulaanan din ni Suan ang isang pekeng quote kung saan ipinalabas na pinupuri at itinuturing niyang bayani si Ramil Madriaga.
Si Madriaga ay dating aide ng Bise Presidente na nag-akusa rito hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds, at nag-alegar na siya pa ang inutusan para magdala at magpamahagi ng naturang alokasyon. Nilinaw ni Suan na wala siyang inilabas na anumang pahayag hinggil dito.
Nauna na ring natanong si Suan ukol sa kanyang desisyon na suportahan ang impeachment laban kay VP Duterte, lalo’t nagmula siya sa Mindanao na kilalang bailiwick ng mga Duterte.
Tugon ng mambabatas noong Mayo, sa halip na maudlot, ang pagiging tubong-Mindanao pa nga niya ang nagtulak sa kanya para suportahan ang panawagan para sa accountability at sumali sa prosecution team.
Paliwanag ni Suan, tinanggap niya ang tungkulin sa prosecution team dahil ang mga pondong pinatatakbo sa ilalim ng hurisdiksyon ni Duterte, na kinuwestiyon ngayon, ay nagmula rin sa buwis na ibinabayad ng mga mamamayan ng Mindanao.
