Itinanggi ni San Jose, Batangas Police Chief Maj. Florencio Caisip Jr. ang mga ulat na nag-uugnay sa kanya sa diumano’y pahayag na isa sa mga suspek sa pagpatay sa isang 22-anyos na working student ay isang prominenteng personalidad sa lalawigan.
Ang biktima, na isang musician, ay sakay ng kanyang motorsiklo nang barilin ng mga suspek na nasa loob ng isang kotse sa Barangay Banay-Banay II nitong Oktubre 25, bandang alas-9 ng gabi. Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.
“I did not make that description during the interview with a TV reporter out of respect for the individual’s privacy,” ayon kay Caisip.
Ayon pa sa kanya, anim na indibidwal, apat na persons of interest at dalawang hindi pa kilalang suspek na nakatala bilang “John Does”, ang pormal nang nasampahan ng kasong murder sa Batangas Provincial Prosecutor’s Office noong Oktubre 29.
Dagdag ni Caisip, love triangle ang isa sa mga pangunahing motibong tinitingnan ngayon ng mga imbestigador sa nangyaring pamamaril.
