Pinaiigting na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang kampanya laban sa illegal petroleum trading sa Metro Manila.
Nag-issue na ng direktiba si NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher N. Abrahano sa lahat ng police units na hulihin ang mga unauthorized fuel dealer na kumikita nang ilegal, lalo’t ginagawan ng paraan ng pamahalaan na masigurong sapat ang supply ng langis sa bansa.
Ang utos na ito ay kasunod ng pagkakahuli sa apat na indibidwal sa Payatas, Quezon City dahil sa diumano’y illegal petroleum trading.
Inatasan ni PBGen. Abrahano ang police intelligence units at station commanders na mag-monitor nang husto, i-validate ang mga ulat ukol sa unauthorized fuel storage at distribution, at makipag-coordinate sa mga kaugnay na ahensya ng gobyerno para sa mabilis at legal na aksyon laban sa mga violator.
“Habang nagsisikap ang gobyerno na tiyaking sapat at prayoridad ang supply ng langis sa ating bansa, hindi natin hahayaan ang mga illegal trader na magsamantala para sa sarili nilang interes. Tungkulin naming protektahan ang publiko, panatilihin ang maayos na distribusyon ng langis, at siguraduhing mananagot ang mga lumalabag sa batas. Maging alerto tayo laban sa mga gawaing banta sa kaligtasan ng komunidad,” ayon kay PBGen. Abrahano.
Ang illegal fuel trade ay nagdudulot ng gulo sa lehitimong distribusyon, nag-aalis ng tax revenues sa gobyerno, at nagbibigay ng hindi patas na kumpetisyon sa mga tapat na negosyo. Delikado rin ito sa mga consumer dahil sa posibilidad ng adulterated o may halong petrolyo, deceptive pricing, at hindi ligtas na imbakan na pwedeng maging sanhi ng sunog o pagsabog.
Dahil dito, nanawagan si PBGen. Abrahano sa mga biyahero at consumer na bumili lamang ng produktong petrolyo sa mga otorisadong gasolinahan at kilalang supplier. Binalaan din niya ang publiko laban sa kaduda-dudang murang alok ng langis mula sa unverified sellers at hinimok ang mamamayan na ipagbigay-alam agad sa mga awtoridad ang anumang hinihinalang illegal storage o pagbebenta.
“Makatutulong ang publiko sa pagprotekta sa ating komunidad sa pamamagitan ng pagbili ng langis sa lehitimong pinagmulan lamang at pag-report ng mga kahina-hinalang gawain. Ipagpapatuloy namin ang pag-monitor at enforcement para mapatigil ang illegal trading na ito,” dagdag pa niya.
