Muling pinanindigan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi nila tatantanan ang paghabol sa mga suspek sa krimen, gaano man katagal ang nakalipas, at iginiit na walang sinuman ang nakatataas sa batas, maging miyembro man ito ng kapulisan.
Isinagawa ni NCRPO Officer-in-Charge PBGen. Christopher N. Abrahano ang pahayag kasunod ng pagkakahuli nitong kamakailan lang sa isang pulis na diumano’y sangkot sa extortion at sa pagpatay sa isang jeepney driver sa Muntinlupa City noong nakaraang Hunyo.
Binigyang-diin ni PBGen. Abrahano na patuloy na mangangalap ng leads, magpapatibay ng kaso, at makikipag-coordinate ang NCRPO sa iba’t ibang yunit upang masigurong mahaharap sa hustisya ang mga suspek, kahit pa mangailangan ito ng matagalang imbestigasyon.
“Patuloy naming tutuntunin ang mga responsable sa krimen, kahit ilang buwan na ang nakalipas mula nang mangyari ito. Ang kamakailang pag-aresto ay patunay na hindi humihinto ang aming aksyon sa paglipas ng panahon. At kung pulis man ang sangkot, hindi namin hahayaan na maging pananggalang ang serbisyo o uniporme para takasan ang pananagutan. Lahat ng suspek ay kailangang managot sa batas batay sa ebidensya, anuman ang kanilang ranggo o posisyon,” pahayag ni Abrahano.
Inatasan din niya ang mga unit ng pulisya na magpatuloy sa pagresolba ng mga nakabinbing kaso, repasuhin ang mga ebidensya, at paigtingin ang paghabol sa mga wanted person, habang sinusunod ang tamang proseso ng batas sa bawat imbestigasyon at pag-aresto.
Dagdag pa ng NCRPO chief, walang gagamiting favoritism at magiging mabilis ang aksyon laban sa mga pulis na dawit sa ilegal na gawain.
Aniya, nakasalalay ang tiwala ng publiko sa kakayahan ng kapulisan na disiplinahin at papanagutin ang sarili nitong mga tauhan.
Muling tiniyak ng NCRPO na hindi magwawakas ang paghahabol sa katarungan dahil lamang sa paglipas ng panahon, sabay muling iginiit ang kanilang commitment na protektahan ang publiko nang may integridad at propesyonalismo.
