Nagsampa ng mga kasong libel at cyberlibel si Davao City 1st District Rep. Paolo nitong Biyernes laban kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag, dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr., at sa ilang executives at journalists ng isang television network kaugnay ng mga pahayag tungkol sa diumano’y paghahatid ng pera sa pamilya Duterte.
Sa nakuhang complaint-affidavit na inihain sa Davao City Hall of Justice, kabilang sa mga pinangalanang respondents sina GMA Network chairman Felipe Gozon, president at chief executive officer Gilberto Duavit Jr., at ang mga anchor ng 24 Oras na sina Mel Tiangco, Vicky Morales, at Emil Sumangil, kasama ang mga journalist na sina Darlene Cay, Marvin Parado, at Joel San Luis.
Inakusahan ni Duterte ang mga respondents ng pagpapakalat ng mga maling pahayag na nagdulot ng pinsala sa kanyang reputasyon at sa kanyang pamilya.
“Naghain kami ng libel at cyberlibel cases laban kay Melvin Matibag, Gracioso, at sa ilang personalidad mula sa GMA News 24 Oras dahil sa kanilang mga hindi totoong pahayag na malinaw na dumungis sa pangalan ko at ng aming pamilya,” pahayag ni Duterte.
Nagmula ang mga reklamo sa mga alegasyon ni Gracioso, isang tinanggal na pulis at dating aide ni ex-speaker Lord Allan Velasco, na naghatid diumano siya ng mga maleta ng pera sa mga miyembro ng pamilya Duterte sa utos ni Velasco.
