Nag-alok ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pangunguna ni Secretary Jonvic Remulla ng P50-million bounty ngayong Biyernes para sa pagkakahuli kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.
Ito ay upang paigtingin ang paghabol sa senador upang iharap sa International Criminal Court (ICC) dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sa isang pahayag sa Camp Crame sa Quezon City, inilarawan ni Remulla si Dela Rosa na armado at delikado, habang binigyang-diin na dapat nang matapos ang kanyang pagtatago sa mga awtoridad.
“Ibinigay na natin sa kanya ang lahat ng kaukulang paggalang na nararapat sa isang senador ng Republika ng Pilipinas, ngunit wala siyang ipinakitang iba kundi kaduwagan sa pamamagitan ng pagtatago at pagtangging lumabas,” ani Remulla.
“Sa susunod na buwan, Nobyembre, ay eksaktong isang taon na mula nang maglabas ang ICC ng warrant of arrest laban kay Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa para sa kanyang umanoy pananagutan sa mga namatay dahil sa patakaran ng administrasyong Duterte sa war on drugs,” dagdag pa niya.
Inilabas ng ICC ang arrest warrant noong Nobyembre 6, 2025 kaugnay ng umano’y pananagutan ni Dela Rosa sa crimes against humanity, at isinapubliko ito noong Mayo 11, 2026.
Ibinunyag din ni Remulla na nagbuo na ng isang dedicated task force sa ilalim ng pamumuno ni PNP Deputy Chief PLtGen. Wilson Joseph Lopez upang hanapin at arestuhin ang senador.
Ang nasabing task force ang mamamahala sa mga operational at tactical measures para dalhin si Dela Rosa sa ICC.
Pinaalalahanan ng mga awtoridad si Dela Rosa na mayroon lamang siyang isang linggo para sumuko, at binalaan ang sinumang magkakanlong o magtatago sa kanya na papatawan ng kaukulang parusa ayon sa batas.
“Inakala ni Senator Bato na ang aking pakikipag-negosasyon ay tanda ng pagiging mahina. Ngayon, kailangan na nating maging mahigpit. Panahon na upang makamit ng kanyang mga biktima ang katarungan,” deklara ni Remulla.
Samantala, tiniyak naman ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. na handa ang kapulisan na isagawa ang operasyon, sumuko man ito o sa pamamagitan ng pagpapatupad ng batas.
“Laging handa ang PNP para dyan, maging sa kapayapaan man o sa armadong pagharap… may search warrant man o arrest warrant. May sapat kaming puwersa, tauhan, at pagsasanay para dyan…” pahayag ni Nartatez.
Huling nakitang umalis si Dela Rosa sa Senado ng Pilipinas sa Pasay City noong Mayo 14, 2026 bandang alas-2:30 ng madaling araw.
Patuloy namang tinitingnan at bina-validate ng mga awtoridad ang mga ulat ukol sa kanyang posibleng kinaroroonan sa mga tago at insurgency-affected areas sa Western Mindanao, Eastern Visayas, Bicol, Metro Manila, at Southern Tagalog.
Pinanindigan ng DILG na magpapatuloy ang lahat ng hakbang sa pag-aresto kay Dela Rosa nang naaayon sa batas habang isinusulong ang pananagutan sa mga umano’y krimen na nangyari sa nakaraang kampanya laban sa ilegal na droga.
