Humingi ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI) noong Biyernes si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante para sa posibleng paghahain ng kasong cyberlibel laban sa ilang online vloggers.
Personal na binisita ni Abante ang tanggapan ni NBI Director Melvin Matibag kasunod ng tinawag ng solon na “below-the-belt” na mga akusasyon laban sa kanya sa internet.
“I just requested na maimbestigahan kasi below the belt na eh: ‘yung mga kasinungalingan, mga kalokohang ginagawa… Congressman tayo. Hindi mo naman maaalis na hindi lahat eh may gusto [sa ‘yo] no? Pero ‘pag below the belt na ‘yung ginagawa sa ‘yo, dapat talagang bigyan ng closure ‘to eh,” pahayag ni Abante sa mga reporter sa isang ambush interview.
Ayon kay Abante, halos isang linggo nang kumakalat ang mga maling narrative laban sa kanya kaya’t nagsimula na silang mangalap ng mga ebidensya.
Gayunpaman, tumanggi ang kongresista na magbigay pa ng karagdagang detalye habang hinihintay pa ang opisyal na imbestigasyon ng NBI.
Nang tanungin kung sino-sino ang mga nasa likod ng mga atake, sinabi ni Abante: “I think mga vloggers. ‘Di ko alam kung sino mga ‘yan… We’re still trying to find out who… Siguro mga 5 to 10 [vloggers].”
Habang inihahanda ang posibleng cybercomplaint, nag-iwan din ng mensahe si Abante para sa kanyang mga kritiko.
“Kung kayo galit sa akin, mayroon kayong gustong sabihing ‘di maganda, sabihin niyo, pero let’s be truthful about it at be honest about it. ‘Wag kayong fake news… Sana naman tigilan na ‘yung mga ganung kasinungalingan, ‘yung dishonesty—tigilan na ‘yung mga below the belt,” pagdidiin pa ng solon.
