Lalo pang pinalawig ni Sen. Raffy Tulfo ang kanyang leads sa laban para sa pagka-bise presidente sa 2028 elections matapos umakyat ng 6.2 percentage points ang kanyang marka ngayong Agosto upang pangunahan ang pinakabagong survey ng Momentum Research.
Nakamit ni Tulfo ang 24.5 percent ng preference ng mga respondent, mas mataas mula sa 18.3 percent noong Hulyo, dahil dito ay nalamangan niya sina Sen. Robinhood Padilla at Sen. Bong Go sa non-commissioned National Momentum Survey na isinagawa noong Agosto 18 hanggang 23.
Pumangalawa si Padilla na may 14.5 percent (mula sa 13.5 percent noong Hulyo), habang pumangatlo naman si Go sa 13.5 percent (mula sa 16.2 percent).
Sumunod naman sa kanila ang dating mambabatas na si Rodante Marcoleta na may 9 percent, habang nagtabla sa 7.7 percent sina Sen. Bam Aquino at Sen. Risa Hontiveros.
Ipinakita sa survey na nanguna si Tulfo sa Metro Manila, sa nalalabing bahagi ng Luzon, at sa Visayas, ngunit nahuli siya sa Mindanao kung saan pumasok at mas malakas sina Padilla at Go.
Nakatanggap si Tulfo ng 31.3 percent sa Rest of Luzon, 26.8 percent sa Visayas, at 26.4 percent sa Metro Manila.
Samantala, nakakuha lamang siya ng 8 percent sa Mindanao, malayo sa 25.8 percent ni Go at 25.6 percent ni Padilla.
Ang Mindanao at Rest of Luzon din ang may pinakamalaking porsyento ng mga undecided respondents na nasa 14 percent at 13 percent.
Nakikita rin sa survey ang pagkakaiba ng boto batay sa henerasyon. Pangunahing pinili si Tulfo ng Millennials (26.4 percent), Generation X (29.7 percent), at ng Baby Boomers at Silent Generation (34.4 percent). Subalit si Padilla naman ang nanguna sa mga Generation Z respondents na may 16.7 percent, na sinundan ni Tulfo (14.9 percent), Go (13.1 percent), Aquino (12.6 percent), at Hontiveros (10.9 percent).
Naging malaking salik din ang political affiliations sa resulta. Sa mga sumusuporta kay Pangulong Marcos, nanguna si Tulfo bilang top VP choice na nakakuha ng 38.9 percent.
Hati naman ang suporta ng Duterte supporters sa pagitan nina Padilla na may 26.7 percent at Go na may 25.4 percent.
Sa hanay naman ng opposition supporters, nanguna si Hontiveros na may 30.6 percent, na sinundan ni Tulfo na may 26.1 percent at Aquino na may 23.7 percent.
Pumatok din si Tulfo sa independent voters sa porsyentong 28.6 percent, bagamat 13.7 percent sa grupong ito ang undecided pa o tumangging sumagot.
Bagamat nangunguna si Tulfo sa mga survey, binigyang-diin ng Momentum Research na hindi ito nangangahulugan ng opisyal na kandidatura, dahil wala pang pampublikong opisyal ang opisyal na nagdeklara ng intensyong tumakbo bilang bise presidente para sa 2028.
