Mananatili sa kanyang puwesto si Communications Undersecretary Claire Castro sa ilalim ng pamumuno ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Lino Cayetano, na naglarawan sa Palace press officer bilang isang “treasure in this government.”
Kinumpirma ni Cayetano ang kanyang desisyon noong Biyernes habang sinusuri ng PCO ang mga courtesy resignation ng mga opisyal nito kasunod ng pag-alis ng kanyang pinalitan na si dating Communications Secretary Dave Gomez.
“Yes. Usec. Claire is a treasure in this government,” pahayag ni Cayetano nang tanungin kung balak niyang panatilihin si Castro sa puwesto.
“I haven’t seen someone who can articulate so well what this government [does]. We will work closely together so we can help translate a lot of the issues, a lot of the programs, a lot of the policies of this government,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Cayetano na wala siyang balak baguhin ang palaban o combative style ni Castro sa pagtatanggol sa administrasyon laban sa mga kritiko, ngunit binigyang-diin ang pangangailangang mag-focus sa pagpapaliwanag ng mga programa at polisiya ng gobyerno sa publiko.
“What we want to focus on is pushing forward the programs and policies of this administration at paano siya nakakatulong sa mga kababayan natin,” ani Cayetano.
“We just have to be a little bit more focused on the things we want to talk about pero in terms of being combative, of protecting what this administration is doing to be able to explain to the Filipino people bakit natin ginagawa ‘yung ilang mga bagay, hanga ako kay Usec. Claire,” paliwanag pa ng PCO chief.
Dagdag pa ni Cayetano, kayang-kayang sumabay ni Castro sa kahit kanino, ngunit dapat ding magbigay ang mga Palace press briefing ng mas maraming impormasyon para sa mga Pilipino ukol sa mga desisyon ng administrasyon.
“I think kaya makipagsabayan ni Usec. Claire with anyone, but I think what we should be able to provide with Usec. Claire and that podium for the MPC ay mas marami pang impormasyon para maramdaman ng sambayanang Pilipino kung bakit natin binabago o binabangga ‘yung ibang polisiya or burukrasiya para mapabilis ‘yung biyaya sa sambayanang Pilipino,” dagdag niya.
Samantala, inihayag din ni Cayetano, na isang television at film director na naging politiko, na nagpaplano ang PCO na magtayo ng mas maraming “analog offices” sa buong bansa na magsisilbing hubs at workspaces para sa parehong gobyerno at private media.
Ang mga itinutulak na tanggapan ay bahagi ng adhikain ng ahensya na suportahan ang mga operasyon ng media sa labas ng Metro Manila.
