Muling bumagsak ang piso sa panibagong all-time low na P63.615 laban sa US dollar ngayong Biyernes, Oktubre 23. Ito na ang ika-31 beses ngayong taon na nagsara ang piso sa pinakamababang antas sa kasaysayan.
Bumaba ang halaga ng piso nang 9.5 centavos mula sa pagsasara nito kahapon sa P63.52, na dating humawak ng record low.
Paliwanag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Eli Remolona Jr. noong Huwebes, hindi nagtataas ng interest rates ang central bank para lamang suportahan ang partikular na palitan ng salapi.
Gayunpaman, pwedeng manghimasok ang BSP sa foreign-exchange market upang pigilan ang sobrang paggalaw ng palitan na maaaring magpataas sa antas ng inflation.
“We do intervene a little bit in the foreign exchange market, but that’s mainly to avoid swings in the exchange rate that tend to be inflationary. We have estimates of how much the peso has to move before it becomes inflationary, and that’s when we tend to intervene,” pahayag ni Remolona.
Isinagawa ang pahayag kasunod ng desisyon ng Monetary Board na itaas ang benchmark interest rate ng BSP nang 50 basis points tungong 5.5%, ang ikaapat na sunod-sunod na pagtaas nito.
Inilarawan ng BSP ang mas malaking pagtaas na ito bilang tugon sa lumalawak na presyur sa presyo ng mga bilihin at karagdagang banta sa inflation outlook, at hindi dahil sa intensyong idepensa ang halaga ng piso.
Ang mas mahinang piso ay nagpapamahal sa mga angkat o imported na produktong binabayaran sa dolar, tulad ng langis, na nagpapatas sa implasyon.
Dahil dito, may dahilan ang central bank na limitahan ang hindi maayos na paggalaw ng palitan habang hinahayaan pa rin ang merkado na magdikta sa antas ng piso.
