Nilinaw ng Bureau of Customs (BOC) na ang indibidwal na naresto sa kamakailang anti-illegal drug operation sa Cagayan de Oro City ay Absent Without Official Leave (AWOL) na mula pa noong Hulyo 2022, at hindi na nag-uulat sa trabaho o gumagawa ng anumang opisyal na tungkulin sa ahensya simula noon.
Mariing kinondena ng BOC ang anumang paglabag o pakikisangkot sa mga ilegal na gawain, lalo na ang may kinalaman sa ilegal na droga, at buong-puso nitong sinusportahan ang patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad.
Binigyang-diin ng Bureau na hindi nito i-tolerate ang anumang ilegal na aksyon o unlawful conduct ng kanilang mga empleyado. Sinumang personnel na mahuhuling sangkot sa ganitong uri ng gawain ay pananagutin at papatawan ng kaukulang parusa ayon sa umiiral na mga batas at regulasyon.
“Walang puwang sa Bureau of Customs ang sinumang sangkot sa ilegal na droga. Patuloy nating paiigtingin ang ating mga hakbang laban sa anumang uri ng ilegal na gawain upang mapanatili ang integridad ng ating serbisyo at ang tiwala ng publiko,” pahayag ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno.
Sa ilalim ng pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, patuloy na pinaiigting ng BOC ang kanilang internal safeguards—kabilang na ang pagpapatupad ng random drug testing—upang mapanatili ang isang disiplinado at drug-free na workplace, at mapangalagaan ang tiwala ng publiko sa serbisyo ng Customs.
