Matapos ang ilang linggong pananahimik, pormal nang nagsalita si Marikina Vice Mayor Del R. De Guzman hinggil sa trahedyang sinapit ng gurong si Alexander Q. Cruz, upang ipaabot ang kanyang taos-pusong pakikidalamhati at humingi ng paumanhin sa pamilya at mga kaibigan ng biktima.
Sa kanyang opisyal na pahayag, inihayag ng bise mayor ang kanyang matinding kalungkutan at pakikiramay bilang isang magulang sa pamilya Cruz na kasalukuyang nagdadalamhati sa masakit na pagkawala.
“Bilang isang ama, ramdam ko po ang tindi ng sakit, lungkot, at pagdurusang pinagdadaanan ngayon ng pamilya Cruz. Bilang isang magulang, wala nang mas bibigat pa sa mawalan ng anak. Walang salita ang sasapat upang maibsan ang ganitong klaseng sakit,” ani De Guzman.
Nilinaw rin ng bise mayor na ang kanilang naging pananahimik nitong mga nakaraang araw ay hindi nangangahulugan ng pag-iwas o kawalan ng malasakit sa isyu.
Ayon sa kanya, ito ay bilang paggalang sa nagdadalamhating pamilya at sa patuloy na imbestigasyon ng mga awtoridad.
BASAHIN: Hustisya sigaw ng ina ng gurong nasawi sa aksidente vs anak ng Vice Mayor ng Marikina
Kasabay nito, humingi rin ng taos-puso at malalim na paumanhin si De Guzman sa pamilya Cruz, pati na rin sa lahat ng nasaktan at naapektuhan ng naturang trahedya.
Tiniyak naman ng opisyal na buong-puso silang makikipagtulungan ng kanyang anak sa pamilya Cruz at sa mga awtoridad upang magkaroon ng ganap na linaw ang naganap na insidente at makamit ang kaukulang hustisya.
