Lumakas pa at ganap nang naging isang typhoon ang bagyong Francisco (Mekkhala) nitong Linggo ng hapon, Hunyo 21, habang tinatahak ang direksyong west northwest sa bilis na 25 km/h.
Ayon sa PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,055 kilometro silangan ng Central Luzon taglay ang lakas ng hangin na 120 km/h at pagbugsong aabot sa 150 km/h.
Bagamat inaasahang mananatili ito sa Philippine Sea bago lumabas ng bansa sa Biyernes, Hunyo 26, hindi inaalis ang posibilidad na mas lumapit ito sa dulong hilagang Luzon kung magbabago ang direksyon nito.
Dahil dito, posibleng itaas ang Signal No. 1 sa bahagi ng Cagayan, Babuyan Islands, at Batanes ngayong Lunes ng umaga.
BASAHIN: Kalbaryo sa PGH; P679-M flood project, nganga pa rin? Buset!
Samantala, hihilahin at paaigtingin din ng bagyong Francisco ang Habagat na magdadala ng malalakas na ulan at pabugso-bugsong hangin sa malaking bahagi ng Luzon, Visayas, at ilang rehiyon sa Mindanao mula Lunes hanggang Martes.
Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga maliliit na sasakyang pandagat dahil sa katamtaman hanggang sa maalon na karagatan.
Bukod kay Francisco, na siyang ikaanim na bagyo sa bansa ngayong 2026, binabantayan din ng ahensya ang isang bagong Low Pressure Area (LPA) sa labas ng bansa na may mababa pa namang tsansang maging bagyo.
