PORMAL nang kinasuhan ang isang Filipino-American nurse mula sa Nevada sa Houston, Texas, dahil sa umano’y pakikipagsabwatan sa isang healthcare fraud scheme na nagkakahalaga ng $906 milyon.
Kinilala ang akusado na si Marizel Yukee, na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng apat na kumpanya sa pangangalaga ng wound care companies: ang Wound Medic LLC, My BestHealth First LLC, AllCare Mobile Wound Treatment LLC, at Oracle Wound Treatment LLC na may operasyon sa Texas, Nevada, California, at Hawaii.
Ayon sa indictment na inihain noong Hunyo 18 sa Southern District of Texas, pinagsamantalahan umano ni Yukee at ng kanyang mga kasabwat ang mga mahihinang pasyente—kabilang ang mga matatandang miyembro ng Medicare at mga may malubhang sakit na nasa hospice care—sa pamamagitan ng mga pekeng dokumento, iligal na kickbacks, at mga hindi naman kailangang medical operation.
Batay sa pagsisiyasat ng mga prosecutor, nagsumite si Yukee ng kabuuang $906 milyong fraudulent claims sa Medicare at Tricare sa pagitan ng Oktubre 2023 at Abril 2025.
Ang mga claims na ito ay para sa mga “medically unnecessary allografts” o mga operasyon sa tissue transplants.
Lumabas sa imbestigasyon na nagpataw si Yukee ng average na mahigit $1 milyong singil kada pasyente, dahilan upang maglabas ang gobyerno ng Amerika ng kabuuang $297 milyong payout.
Bukod dito, sadyang binalewala rin ni Yukee ang patakaran ng Medicare na iulat ang total invoice price ng mga allograft.
BASAHIN: FBI Most Wanted Fraudster na sangkot sa $1.2-B Medicare scam, arestado sa Casino sa Pasig
Sa halip, lalo pa niyang pinalaki ang singil. Isang ebidensya ang email na nakuha ng mga awtoridad kung saan tahasan nitong inutusan ang kanyang mga kasamahan na taasan at pekein ang mga presyo.
Inilahad din ng prosecution na nakatanggap si Yukee ng halos $16 milyong kickbacks mula sa dalawang distributor ng allograft upang ibenta ang kanilang mga produkto sa pamamagitan ng isang network ng illegal referrals.
Ang nakulimbat na pera mula sa gobyerno ay ginamit umano ni Yukee para pondohan ang kanyang marangya at magarbong pamumuhay.
Kabilang sa mga natuklasang ari-arian at luho nito ang pagpapatayo ng isang $4.6 milyong resort sa Santa Ana, Cagayan dito sa Pilipinas, at isang multi-million dollar na mansyon sa Hawaii.
Bukod sa mga real estate, narekober din sa kanyang mga ari-arian ang isang marangyang Ferrari na nagkakahalaga ng $594,000 at isang Bulgari necklace na may halagang $865,000.
Kasalukuyan nang nahaharap sa mabibigat na kasong kriminal sa Estados Unidos ang naturang Fil-Am nurse habang nagpapatuloy ang pag-usig sa iba pa niyang mga hindi pinangalanang kasabwat.
