Kinumpirma ng US Department of Justice (DOJ) nitong Sabado (oras sa Maynila) ang pagkakadakip sa Pilipinas ng isa sa mga most wanted fraudsters ng Federal Bureau of Investigation (FBI) matapos ang ilang buwang pagsubaybay.
Ang puganteng Amerikano na si Herbert Leon Kimble ay naaresto ng Fugitive Search Unit (FSU) ng Bureau of Immigration (BI) sa isang casino sa Pasig City noong Hunyo 11, 2026.
Agad itong ipinatapon o dinala pabalik sa Estados Unidos noong Hunyo 18 upang harapin ang kanyang mga kaso.
Ayon kay US Acting Attorney General Todd Blanche, si Kimble ang utak sa likod ng mahigit $1.2 bilyong Medicare fraud—isa sa mga pinakamalaking kaso ng healthcare fraud sa kasaysayan ng Amerika. May patong din na $150,000 gantimpala ang ulo nito bago siya madakip.
” Fleeing the United States does not mean you can flee justice. Instead of facing accountability for his $1.2 billion Medicare fraud crimes in the United States, Kimble fled to the Philippines hoping to escape justice. That plan failed. Under President Trump’s leadership, the FBI has now apprehended two fraudsters from its recently unveiled Most Wanted Fraudsters list in just two weeks, with more to come,” pahayag ni Blanche.
BASAHIN: ‘Tapos na ang Senateflix, back to work na’ – SP Gatchalian
Batay sa imbestigasyon ng FBI, nagpatakbo si Kimble ng isang sopistikadong operasyon gamit ang mga call center sa Pilipinas mula noong 2014 hanggang Marso 2019. Ito ang nagsilbing “marketing engine” ng kanyang bilyun-bilyong panloloko.
Sa ilalim ng kanilang modus, nagsisimula ang operasyon sa pagtawag ng mga call center sa Pilipinas sa mga miyembro ng Medicare sa Amerika—na karamihan ay mga matatanda—upang kumbinsihin silang kailangan nila ng mga orthopedic braces para sa sakit ng katawan.
Pagkatapos nito, gagawa sila ng mga hindi naman kailangang reseta sa pamamagitan ng mga telemedicine consultations na walang lehitimong medikal na pagsusuri. Ang mga prescription na ito ay ibebenta sa mga kumpanya ng durable medical equipment (DME) na siyang magpapadala ng mga brace, bago tuluyang sisingilin ng napakalaking pondo ang gobyerno ng Amerika para sa reimbursement.
Ayon sa tala ng BI, umabot pa umano sa hanggang $2 bilyon ang kabuuang halaga ng naloko ni Kimble sa mga programa ng gobyerno ng Amerika.
Inihayag ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado na opisyal nang inilagay sa blacklist ng Pilipinas si Kimble upang hindi na muling makabalik sa bansa.
“Ang Pilipinas ay hindi magsisbing sanctuaryo o taguan para sa mga puganteng sumusubok takasan ang hustisya sa kanilang sariling bansa,” mariing pahayag ni Viado.
Nagpasalamat naman si FBI Director Kash Patel sa mga awtoridad ng Pilipinas sa matagumpay na paghuli kay Kimble, bilang pagtalima rin sa utos ni US President Donald Trump na wakasan ang pang-aabuso sa pera ng mga nagbabayad ng buwis.
Si Kimble ang pangalawang pugante na nadakip mula sa kamakailan lang na inilabas na Most Wanted Fraudsters list ng FBI. Noong nakaraang linggo, naaresto rin si Said Abdullahi Ereg sa Minneapolis dahil naman sa kasong money laundering.
