“Tapos na ang Senateflix, back to work na tayo.”
Ito ang mariing inihayag ni bagong halal na Senate President Sherwin “Win” Gatchalian nitong Huwebes sa kanyang kauna-unahang press conference bilang pinuno ng mataas na kapulungan.
Ayon kay Gatchalian, matapos ang mahabang linggo ng tensyon sa liderato, oras na para mag-focus ang Senado sa mga mahahalagang batas at sa paghahanda para sa paparating na impeachment court sa darating na Hulyo 6.
“Sa susunod na ilang linggo, ilalatag na namin ‘yung mga LEDAC bills na dapat matapos, at ilalatag na rin namin ‘yung mga preparations natin for the impeachment on July 6,” pahayag ni Gatchalian.
Idiniin din niya na lahat ng senador ay nagkakaisa sa kagustuhang bumalik sa trabaho at gampanan ang kanilang mandato bilang mga senator-judge.
BASAHIN: Banat ni Cayetano: Tulfo ‘tuta’ ng Malacañang; Lacson aso
Matatandaang nabaon sa matinding kontrobersya at serye ng drama ang Senado mula pa noong Mayo 11. Kabilang sa mga naging mitsa ng tensyon ang biglaang muling paglitaw ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, ang naganap na pamamaril noong Mayo 13, at ang mainit na agawan sa upuan ng Senate President.
Nagsimula ang pagbabago sa liderato noong Hunyo 3 nang magdeklara ng quorum ang bloc ni Gatchalian upang palitan ang noo’y Senate President na si Alan Peter Cayetano. Opisyal namang naihalal si Gatchalian bilang bagong pangulo ng Senado sa isinagawang special session nitong Hunyo 17.
Bagamat hindi pa sila nagkakausap ni Cayetano, tiniyak ni Gatchalian na bukas ang kanyang opisina at personal siyang makikipag-ugnayan sa dating pinuno, maging sa mga miyembro ng minorya.
Samantala, sa pamamagitan ng isang post sa Facebook, pormal nang nagpahayag ng suporta si Senator Robinhood Padilla para sa bagong liderato ni Gatchalian. Nilinaw din ni Padilla na ang pagtanggap ng kanilang partido sa bagong Senate President ay pagtalima lamang sa Saligang Batas matapos makuha ni Gatchalian ang kinakailangang 13 boto.
“Mula 19th Congress hanggang sa kasalukuyang palitan ng liderato hindi ako nakialam at nakisawsaw sa kung sino dapat ang maging Pangulo ng Senado,” ani Padilla upang pabulaanan ang mga tsismis na mayroon siyang personal na interes sa kaguluhan.
“Malaking kasinungalingan ang mga pahayag na ako’y may personal na interes kaya’t may kinikilingan. Ang aking boto ay nakaangkla sa pagsulong ng mga adhikain ng partidong PDP-Laban.”
