Umabot na sa sukdulan ang giyera sa loob ng mataas na kapulungan matapos banatan ni Senador Alan Peter Cayetano ang kanyang mga kasamahan, kung saan hayagan niyang tinawag na “tuta” at “aso” ang ilang mambabatas.
Sa kanyang naging pahayag, diretsahang rumesbak si Cayetano sa naunang depensa ni Senador Raffy Tulfo na hindi sila sunod-sunuran sa administrasyon.
“Sabi ni Raffy Tulfo hindi daw sila Malacañang. In other words, hindi sila tuta… Si Senator Tito Sotto and Senator Raffy Tulfo, at least sila tuta ng Malacañang. Pero si Erwin Tulfo, tuta lang ni Lacson!” pasabog ni Cayetano.
BASAHIN: Chiz ‘di karapat-dapat sa VP impeachment
Ibinunyag din ni Cayetano na kaya umano sumasayaw sa kumpas ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson si Erwin Tulfo ay dahil may “hawak” o alas ang dating hepe ng PNP laban dito.
Tinukoy pa ng senador ang mga isyu hinggil sa isang kontratista na pabalik-balik umano sa opisina ni Erwin.
Kuwento pa ni Cayetano, may nagbabala na kay Erwin na kung ano ang ginagawang panggigipit sa kanilang bloc ngayon ay siya ring mararanasan nito balang araw.
“Ito ang hawak sa’yo: 1, 2, 3, 4, 5. Isang araw ikaw gaganon. Kaya nung una hindi rin pumirma si Erwin,” dagdag pa niya.
Hindi pa natapos doon ang panggigisa ng mambabatas dahil mas matinding upak ang inabot sa kanya ni Lacson.
“Hindi na po tuta si Senator Lacson. Aso na po siya. Matagal na eh,” hirit ni Cayetano.
Ipinaliwanag niya na may iba’t ibang klase ng aso sa politika—may asong nag-aasikaso kapag inutusan, at mayroon namang “aso-aso” na tatahol muna bago magkakaso.
Kinuwestiyon din ni Cayetano ang legalidad at kredibilidad ng mga imbestigasyon sa Senado.
Binatikos niya ang estilo kung saan pinababasa na lamang ang testigo ng affidavit sa halip na isalang sa matinding pagsusuri, na aniya ay malayo sa itinuturo sa law school.
“Hindi po ‘yun ang sistema… It’s selective justice and some of it is not justice, kundi imbento,” pagtatapos ng senador.
