HINDI pa ba sapat ang hirap na pinagdaraanan ng ating mga kababayan na nagtitiis sa siksikan at init sa Philippine General Hospital o PGH?
Isipin mo, maysakit ka na nga, pero kailangan mo pang magtiis sa suffocating na amoy ng imburnal kapag mainit, at lumubog naman sa baha kapag umulan!
Bakit?
Dahil sa isang nakatenggang septic tank at flood control project na nagkakahalaga ng mahigit 679 milyong piso! Ang sakit sa bangs nito!
P679 million? Pero nasaan ang hustisya para sa anim 600,000 mahihirap na pasyenteng umaasa rito taon-taon?
BASAHIN: HUBAD NA KATOTOHANAN SA EDUKASYON NG BARMM
Sa isang surprise inspection na isinagawa ni DPWH Secretary Vince Dizon, nabuko ang katotohanan.
Ang proyektong nagsimula pa noong December 2024 na dapat sana ay tapos na nitong June 15, 2026… hulaan niyo kung ilang porsyento pa lang ang gawa? Labing-anim na porsyento! 16 percent lang! Halos dalawang taon na ang nakalipas, nganga pa rin! Buset!
At kapag tiningnan mo kung sino ang mga kontraktor, doon ka mas mapapakamot-ulo. Joint venture ito ng dalawang kumpanya.
Una, ang FS Co Builders and Supply na pagmamay-ari umano ni Albay Vice Governor Farida Salcedo Co—na kapatid ng kontrobersyal na fugitive na si dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy Co. At pangalawa, ang Edison Development and Construction Inc.—na noong 2018 pa lang ay nasangkot na sa MRT-3 maintenance controversy kaya na-blacklist na noon ng isang taon!
Kaya ang tanong ng natin, bakit sa dinami-rami ng kontraktor, sa mga kumpanyang may ganitong ‘background’ pa ipinagkatiwala ang kalusugan at kaligtasan ng mga pasyente ng PGH? Nakakaloka!
Magtatag-ulan na naman. Noong nakaraang taon nga, pumasok na ang baha sa loob mismo ng mga ward ng lumang ospital na ito.
Sabi nga ni PGH Director Gerardo Legaspi, ang ginagawang septic tank ay nasa mismong pagitan ng mga ward ng mga pasyente!
Isipin niyo ang amoy na kailangang tiisin ng mga taong nag-aagaw-buhay doon araw-araw habang nakabinbin ang trabahong ito!
Galit na rin si Secretary Dizon dahil sabi nga ng Pangulo, ‘Our people deserve better than this.’ Napakahalaga ng PGH, lalo na sa mga kababayan nating nanggagaling pa sa malalayong lalawigan dahil walang murang pagamutan sa kanilang lugar.
Kaya nagbaba na ng ultimatum ang DPWH! Kailangang matapos ito bago matapos ang taon! Magdagdag ng tao, mag-times three ng pwersa, at magtrabaho nang 24/7. Dahil kung hindi, dapat lang na kanselahin ang kontrata at panagutin ang mga pabayang kontraktor na ito!
Pero bukod sa pananagot sa mga maysala, nagpaalala rin si Dizon sa publiko. Ang baha ay hindi lang dahil sa sirang proyekto, kundi dahil din sa mga basurang bumabara sa ating mga daluyan ng tubig. Kaya disiplina rin sa sarili ang kailangan natin.
Nanawagan din ang DPWH sa mga mamamayan na i-report ang mga nakatengga, may depekto, o pinabayaang proyekto ng gobyerno sa inyong mga lugar para agad na maaksyunan. Huwag nating hayaang matulog ang pera ng bayan habang nagdurusa ang mga Pilipino. Mismo!
Naku ha?!
Pondo ng bayan ang ginagamit dito, pondo na galing sa pawis at buwis ninyo. Hindi katanggap-tanggap na habang nagpapakasasa ang ilang mayayaman at makapangyarihang kontraktor, ang mga mahihirap nating kababayan sa PGH ay nagtitiis sa baha at masangsang na amoy.
Babantayan natin ito hanggang sa matapos bago mag-Disyembre.
