Mga ka-BERDUGO, ang edukasyon ang dapat sanang maging pinakamalakas na sandata ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) upang tuluyang makaahon mula sa madilim na kasaysayan ng hidwaan at kahirapan.
Subalit, batay sa pinakahuling ulat ng Committee on Finance, Budget, and Management (CFBM) ng Bangsamoro Parliament, tila naging isang malaking trahedya ang pangarap na ito.
Ang masakit na katotohanan, habang nilulustay o kinakapos sa tamang pamamahala ang pondo ng bayan, ang mga kabataang Moro ang direktang nagbabayad ng napakamahal na interes—ang kanilang kinabukasan. Susmaryosep!
Hindi na kataka-taka kung bakit tuluyang sinibak ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua si dating Education Minister Mohagher Iqbal nitong nakaraang linggo.
Ang deklarasyon ng Commission on Audit (COA) ukol sa may P2.2 bilyong halaga ng mga kuwestiyunableng transaksyon ay hindi lamang simpleng iregularidad sa papel, kundi isang hayagang krimen sa harap ng mga mag-aaral.
Isipin ninyo na lang mga ka-Berdugo, ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ang may pinakamalaking alokasyon sa rehiyon na nagkakahalaga ng P26.49 bilyon mula sa kabuuang P114 bilyong budget ng BARMM ngayong taon.
Ngunit sa halip na reporma, talamak na “delayed execution” at mababang “fund utilization” ang naging ani ng ahensya. Araykupo! Ang sakit sa bangs nito.
Saan napupunta ang bilyun-bilyong pondo kung ang rehiyon ay nagdurusa sa 38.3% functional illiteracy rate—ang pinakamataas sa buong Pilipinas at mas mataas pa sa national average na 30.6%?
Paano natin aasahang umunlad ang kalidad ng pagtuturo kung ang BLEPT performance ng mga guro sa BARMM ay nasa ika-34 na pwesto mula sa 39 na rehiyon sa bansa?
Ang higit na nakapanlulumo ay ang kalagayan sa kolehiyo kung saan umabot sa 90% ang dropout rate.
Nangangahulugan ito na sa bawat sampung kabataang Moro na nangarap magtapos, isa lamang ang mapalad na nakahawak ng diploma.
Ito ay isang malinaw na sampal sa pamamahala na nagmamalaking nagdadala ng tunay na awtonomiya.
Bukod sa bagsak na karunungan, bakas din ang korapsyon sa bulok na pisikal na aspeto ng mga paaralan sa BARMM.
Paano masisisi ang mga bata kung mawalan sila ng ganang mag-aral kung may kulang na 567,946 na mga mesa, at higit sa 757,000 learners kit ang hindi pa rin natatanggap ng mga estudyante?
BASAHIN: Movem ng Meralco, tiniyak ang pagpapatayo ng mga ‘future-ready’ EV charging stations
Ang masahol pa rito, isiniwalat sa ulat na ang bawat armchair o silya na binili ng ahensya ay umabot sa nakalululang presyo na P5,049 bawat isa.
Ginto ba ang kahoy na ginamit dito o sadyang may mga taong nagpayaman habang ang mga bata ay nagtitiyaga sa sahig?
Ang mabagal na usad kung saan 1,330 sa 2,289 na mga proyekto sa silid-aralan ang nakatengga ay patunay ng kawalan ng malasakit.
Habang nagpapasasa ang mga tiwali, nananatiling biktima ang mga nasa ibaba.
Mayroong 9,599 na posisyon ang hindi pa rin napupunuan sa ahensiya, habang higit 36,000 items mula pa sa lumang ARMM ang hindi inaaksyunan, lalo na sa Sulu kung saan 3,000 guro at kawani ang apektado.
Ang mga volunteer teachers naman na siyang tunay na bayani sa mga malalayong komunidad ay patuloy na tumatanggap ng barya-baryang pasahod.
Ang pagkakaroon ng P4.9 bilyon na cash-in-bank at P208 milyong halaga sa Bangsamoro Treasury System mula 2020 hanggang 2023 ay patunay na may pera ang rehiyon—sadyang pinatitigas lamang ito sa bangko sa halip na gastusin para sa kapakanan ng mga guro at mag-aaral.
Ang hindi pagtutugma ng physical at financial performance reports ng MBHTE ay isang babala na bulok ang sistema ng internal reporting at data reconciliation sa loob.
Sa kawalan ng kahit isang Center of Excellence (COE) sa higher education sa buong rehiyon, malinaw na pinabayaan ang kalidad ng karunungan sa BARMM.
Ang pagsibak kay Iqbal ay isang magandang panimula, ngunit naniniwala tayo na hindi ito sapat.
Ang hamon sa susunod na pamunuan at sa darating na unang Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong Setyembre ay ang buong-pusong paglilinis sa ecosystem ng edukasyon.
Kung hindi natin aayusin ang MBHTE ngayon, patuloy nating pinaparusahan ang susunod na henerasyon ng Bangsamoro na manatiling mangmang at dehado sa sarili nilang lupain. Tsk!
