Mayroon nang ligtas at mas accessible na matutuluyan ang mga estudyanteng Subanen mula sa mga malalayong komunidad sa Siayan kasunod ng ginanap na turnover at blessing ng A+ Dorm para sa Subanen Learners.
Pinangunahan ng Friends of Saint Mary MacKillop Inc. (FSMMI) ang seremonya na tumapat sa Pista ni Saint Mary MacKillop at isinagawa isang araw bago ang International Day of the World’s Indigenous Peoples noong Agosto 9.
Naisakatuparan ang pasilidad sa tulong ng DigiPlus Foundation at ni Rafael Jaseper Vicencio, katuwang ang lokal na pamahalaan ng Siayan, Tribal Council of Elders, at mga kasapi ng komunidad ng Subanen.
Naglalayon ang A+ Dorm na masolusyunan ang suliranin sa malayang paglalakbay ng mga kabataang Subanen na dating naglalakad pa ng ilang milya mula sa kanilang mga tahanan para lamang makapasok sa paaralan. Sa pamamagitan ng bagong dormitoryo na mas malapit sa mga eskwelahan, mababawasan ang pagod ng mga estudyante at mas mapagtutuunan nila ng pansin ang kanilang pag-aaral.
Dumalo sa nasabing okasyon ang Regional Director ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) Region IX upang ipaabot ang suporta sa pamunuan ng Subanen Tribe sa Siayan.
Ayon kay Rey L. Anugon, Presidente ng FSMMI, malaki ang kagustuhan ng mga batag Subanen na makapag-aral subalit nagiging hadlang ang kahirapan at malayang distansya. Binigyang-diin naman ni Timuay Labi Johnny C. Anugon Sr., IPMR at Tribal Chieftain ng Subanen Tribe sa Siayan, na tutulong ang pasilidad upang makamit ng mga kabataan ang kanilang pangarap habang nananatiling nakatali sa kanilang kultura at pagkakakilanlan.
Pahayag naman ni Angela Camins-Weineke, Executive Director ng DigiPlus Foundation, ang dormitoryo ay hindi lamang isang gusali kundi isang tahanang magbibigay ng seguridad, kalinga, at pag-asa sa mga katutubong mag-aaral.
