Nagsagawa ng limang araw na trade mission sa Pilipinas ang isang delegasyon ng mga negosyanteng Taiwanese upang palakasin ang ugnayan sa kalakalan, palaguin ang local manufacture, at patatagin ang ekonomiya ng dalawang bansa.
Ang naturang pagbisita ay pinangunahan ng Philippine Trade and Investment Center in Taipei (PTIC-Taipei), katuwang ang Taiwan Electrical and Electronic Manufacturers’ Association at Manila Economic and Cultural Office (MECO).
Layunin ng delegasyon na galugarin ang mga oportunidad sa larangan ng technology, electronic, at production sa mga pabrika.
Nakatulong sa tagumpay ng inisyatiba ang suporta ng mahahalagang ahensya ng ekonomiya sa bansa tulad ng Board of Investments (BOI), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ayon kay PTIC-Taipei Trade Representative Anthony Rivera, nananatiling estratehikong prayoridad ang pagpapatibay ng industrial partnership sa Taiwan upang iposisyon ang Pilipinas bilang competitive destination para sa high-value manufacturing at innovation-driven investments.
Binigyang-diin naman ni MECO Chairperson Corazon A. Padiernos na ang ganitong mga misyon ay nagbubukas ng pinto para sa teknolohiya, paglinang ng talento, at pagpasok ng mga negosyong Pilipino sa regional at global supply chains.
Bahagi ang aktibidad sa patuloy na pagtutulak ng PTIC-Taipei na makahikayat ng mga dayuhang pamumuhunan upang makalikha ng mga trabahong may mataas na pasahod para sa mga Pilipino.
