Photo: DepEd
Ipinagpaliban ng Department of Education (DepEd) ang nakatakda sanang nationwide live-shooter drills bukas kasunod ng apela at babala mula sa mga health expert ukol sa posibleng idulot nitong psychological trauma sa mga mag-aaral.
Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, nakinig ang kawanihan sa panawagan ng Philippine Psychiatric Association at Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry matapos igiit ng dalawang grupo na ang “hyper-realistic simulations of violence” ay maaaring mag-iwan ng matinding epekto sa mental health ng mga bata.
Matatandaang isinagawa na ang isang bersyon ng aktibidad sa Manila Science High School, ngunit siniguro ng DepEd na isasama na ang mga payo ng mga eksperto—tulad ng paggamit ng tabletop exercises at trauma-informed protocols—sa mga susunod na pagsasanay sa seguridad.
Ipinaliwanag ni Angara na bagama’t seryoso ang banta ng violent attack sa mga paaralan, mahalagang balansehin ang paghahanda at ang kapakanan ng mga estudyante.
Bahagi ng mga nakalatag na alternatibong hakbang ng DepEd ang paglalagay ng mga metal detector, CCTV, pagpapatupad ng mas mahigpit na security protocols, at ang pakikipagtulungan sa mga barangay tanod para sa pagpapatrolya sa mga maliliit na paaralan.
Bukod dito, isinusulong din ng DepEd ang mas mahigpit na regulasyon sa mga violent video games para lamang sa mga may edad 18 pataas, kasabay ng patuloy na pagpapatanggal sa mga tinatawag na “nihilistic violent networks” na nagtatarget sa mga kabataan online.
