Patuloy ang mainit na simula ng Pinay tennis sensation na si Alex Eala sa grass court season matapos nitong dominahin si Zhang Shuai ng China, 6-3, 6-2, sa Round of 32 ng Queen’s Club Championships noong Martes, Hunyo 9 (Lunes ng gabi sa Maynila).
Baon ang kompiyansa mula sa kanyang makasaysayang unang WTA 125 title sa Birmingham Open noong nakaraang linggo, tinapos ng 21-anyos na Filipina ang laban kontra sa Chinese qualifier sa loob lamang ng 1 oras at 9 na minuto upang irehistro ang kanyang ikaanim na sunod-sunod na panalo sa damuhan.
Hindi nagpatinag ang Pinay kahit pa nagkaroon ito ng mabagal na simula kung saan nabaon siya sa 0-2 deficit sa unang set. Agad na bumawi si Eala nang talunin nito si Zhang sa anim mula sa sumunod na pitong games upang makuha ang unang set, 6-3.
Bitbit ang momentum, maagang umarangkada si Eala sa second set sa iskor na 3-1 bago tuluyang tapusin ang laban at patalsikin ang World No. 64 na si Zhang.
Bagaman mabilis ang naging panalo ni Eala, hindi basta-basta ang kanyang pinatumba. Ang 37-anyos na si Zhang ay beteranang nagmamay-ari ng tatlong WTA Tour titles at dating umabot sa career-high na No. 22 sa buong mundo.
BASAHIN: Jinggoy, nagluluksa sa pagpanaw ng 2 Ateneo basketball players
Dahil sa kanyang mga huling tagumpay, umakyat na rin si Eala sa No. 33 sa pinakabagong WTA rankings.
Isang mas matinding hamon at pamilyar na katunggali ang naghihintay kay Eala sa Round of 16, kung saan makakaharap niya ang kanyang matalik na kaibigan at Amerikanong karibal na si Iva Jovic ngayong Miyerkules (Huwebes sa Maynila).
Si Jovic, na seeded 6th at kasalukuyang World No. 19, ay pumasok sa susunod na round matapos talunin si Antonia Ruzic ng Croatia, 6-3, 6-4.
Matatandaang si Jovic ang nagbigay ng bigong pagtatapos sa clay season ni Eala nang talunin niya ito, 6-4, 6-2, sa Round of 128 ng prestihiyosong French Open sa kanilang kauna-unahang tapatan sa WTA Tour.
Sa pagkakataong ito, umaasa ang pambato ng Pilipinas na maitatabla ang kanilang head-to-head record ngayong sa paborito niyang grass court naman sila magkakasubukan.
