Idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang mga probisyon sa General Appropriations Act (GAA) o national budget para sa mga taong 2024 at 2025 matapos itong madagdagan ng Kongreso nang lampas sa inirekomendang badyet ng Pangulo.
Sa desisyong isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, pinaboran ng Mataas na Hukuman ang mga petisyong inihain nina dating Rep. Edcel Lagman, dating Sen. Koko Pimentel, at ng grupong Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement, Inc.
Batay sa hatol ng Korte Suprema, idineklarang unconstitutional ang 2024 GAA (RA 11975) dahil sa pagdaragdag ng Kongreso ng P449.5 bilyon sa unprogrammed appropriations na nagpalobo sa kabuuang badyet na inirekomenda ng Ehekutibo.
Gayundin, ipinawalang-bisa rin ang 2025 GAA (RA 12116) dahil sa pagdaragdag ng P17.99 bilyon sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH), pati na ang P12.75 bilyong dagdag sa Special Accounts ng ilang ahensya na lumabag sa Administrative Code.
Bukod dito, idineklara rin ng Mataas na Hukuman na unconstitutional ang Special Provisions 1(a) at (b) sa ilalim ng Chapter XLIII ng 2026 GAA.
Nilinaw ng Hukuman sa petisyon nina Caloocan City Rep. Edgar Erice at Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima na hindi naman pangkalahatang ipinagbabawal ang unprogrammed funds. Gayunman, nagiging labag ito sa Saligang Batas kapag walang malinaw na pamantayan at nagbibigay ng walang-limitasyong kapangyarihan sa Ehekutibo na gumastos.
Tungkol sa mga naisagawa at naisagawang paggastos, inilapat ng Korte Suprema ang doctrine of operative fact. Ibig sabihin, mananatiling balido ang mga pondo at proyektong naipatupad na at hindi na kailangang isauli kung ang mga benepisyaryo ay kumilos sa good faith.
Subalit binigyang-diin ng Korte Suprema na hindi nito pinoprotektahan ang mga may-akda, proponent, o tagapagpatupad ng pondo mula sa pananagutang kriminal, sibil, o administratibo kung mapapatunayang nagkaroon ng kapabayaan o pangaabuso.
Upang maiwasan ang paglabag sa hinaharap, naglabas ang Mataas na Hukuman ng apat na pamantayan para sa unprogrammed appropriations.
Una, bawal ang lump sum o buo-buong pondo na walang tiyak na paggagamitan.
Pangalawa, kailangang malinaw ang paghihiwalay sa mga kondisyon para sa paggamit ng bagong kita mula sa pamahalaan kumpara sa programmed at unprogrammed expenditures.
Pangatlo, dapat magpatupad ng sapat na pamantayan sa pagtatakda ng prayoridad sa paggastos.
Panghuli, kailangang tiyakin na ang pondo ay nakapaloob sa pambansang fiscal program plan at nakatali sa likas nitong katangian bilang narrow contingent appropriation.
