Kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa pamamagitan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), na may mga legal at aktibong permit mula sa pamahalaan ang mga operasyon ng pagmimina ng nickel sa Dinapigue, Isabela na sakop ng kabundukan ng Sierra Madre.
Ayon sa Facebook page na Iskolar ng Bayan, sinabi umano ni MGB Regional Director Mario Ancheta, kumpleto sa legalidad ang nasabing minahan.
“All of the required permits for its operations were all valid,” pahayag ni Ancheta.
Naiulat na gumagana ang proyekto sa ilalim ng isang 25-year Mineral Production Sharing Agreement (MPSA) na nagbibigay-pahintulot sa paggagalugad, pagpapaunlad, at pagkuha ng mga mineral tulad ng saprolite at limonite nickel ore sa pamamagitan ng surface mining.
Batay sa mga corporate financial disclosure ng kumpanya, nakapag-export ito ng humigit-kumulang 300,000 wet metric tons ng nickel ore noong 2025.
Sa unang anim na buwan naman ng 2026, panibagong 300,000 wet metric tons pa ang naisakatuparan at nai-ship mula sa nasabing lokasyon.
Sa kabila ng mga hawak na permit, nagmulta umano ng P2.5 milyon ang operator ng minahan noong Mayo 2026 matapos patawan ng Pollution Adjudication Board dahil sa paglabag sa Republic Act No. 9275 o ang Philippine Clean Water Act.
Ayon naman sa pamunuan ng minahan, nagsagawa na sila ng mga corrective measure upang maitama ang mga paglabag at makasunod sa mga probisyon ng kalikasan.
Binigyang-diin ng mga awtoridad na bagama’t may pahintulot ang operasyon sa mga idineklarang zone, obligado pa rin ang mga kumpanya na sumunod sa mga regulasyong pangkapaligiran, regular na monitoring, rehabilitasyon ng kagubatan at yamang-tubig, at pagbabayad ng kaukulang parusa sakaling magkaroon ng kapabayaan.
