Naalarma na ang mga health advocacy groups sa bansa dahil sa nakatatakot na bilang ng mga kabataang nalululong sa vape at sigarilyo.
Kasalukuyang ginugunita ngayon ang World No Tobacco Day (Mayo 31), kaya naman sabay-sabay na kinalampag ng mga lokal at rehiyonal na grupo ang pamahalaan para tuluyan nang I-BAN o ipagbawal ang mga vape at e-cigarettes na mapanlinlang na ibinebenta bilang “mas ligtas” na alternatibo sa tradisyonal na yosi.
Ayon sa nakalap na datos, hindi biro ang tindi ng adiksyon sa bansa ngayon. Isipin mo na lang: nasa 1.21 milyong kabataang Pinoy (edad 13 hanggang 15) na nagsimula sa yosi ang lumipat na ngayon sa pagve-vape.
Umabot din sa 1.7 milyon ang kabuuang bilang ng mga nagbe-vape sa bansa—sobrang layo sa 537,000 users lang noong 2015.
Samantala, hindi rin paawat ang mga certified smokers na umabot na ngayon sa 16.4 milyon, mas mataas kumpara sa 14 milyon noong 2021.
BASAHIN: P1.5 bilyon puslit na sigarilyo, nasabat sa Malabon
“Ang vape ang nagsisilbing ‘gateway’ o mitsero para matutong magsigarilyo ang mga bata,” babala ni Ralph Degollacion ng grupong HealthJustice.
Hirit pa ng grupong TobaccOFF Now, dapat nang utusan ng gobyerno ang mga kumpanya ng tabako na alisin ang mga pa-flavor, makukulay na packaging, at mga patalastas na mabilis umakit sa mga menor de edad.
Binira naman ni Ulysses Dorotheo, Executive Director ng SEATCA, ang estilong-budol ng mga dambuhalang kumpanya ng tabako.
“Kung talagang gusto nila ng ‘smoke-free future,’ dapat kahapon pa sila huminto sa pagbebenta ng sigarilyo! Ang ginagawa nila, ginagamit nila ang lengguwahe ng kalusugan para ibenta ang bago nilang lason bilang ‘solusyon’ sa problema na sila rin naman ang gumawa,” banat ni Dorotheo.
Nabatid na sa buong Southeast Asia, ang Pilipinas ang pangalawa sa may pinakamalaking benta ng bisyo kung saan nakapagbenta ang bansa ng 90 bilyong stick ng yosi at 1.3 bilyong vape devices noong 2024 lang, kasunod ng Indonesia.
Hindi lang ito basta usok, dahil kamatayan ang dulo nito! Ayon sa World Health Organization (WHO), noong 2025 lamang ay umabot sa 64,525 katao ang namatay sa Pilipinas dahil sa mga komplikasyon sa baga at respiratory system.
Ipinaliwanag ni dating Department of Health (DOH) Secretary Esperanza Cabral na kung ang yosi ay sumisira sa baga sa pamamagitan ng aspalto (tar) at carbon monoxide, ang vape naman ay may dalang kakaiba at tago ngunit matinding banta sa katawan.
Para mapigilan ang trahedya, binuweltahan ni Cabral ang malalambot na batas at iminungkahi na itaas mula 21 patungong 25 anyos ang legal na edad para payagang makabili ng sigarilyo at vape, bukod pa sa pagpataw ng mas mataas na buwis upang maging ginto ang presyo ng mga single-use e-cigarettes.
