Mga Opisyal at Tagapagsalita ng Forum
PITAK FILIPINO
Ni Socrates L. Pimentel
NAGING matagumpay ang naganap na Areas Studies Program Midyear Forum na may temang “Bayaniverse, P-pop, Pinoy sa mga Video Game: Paghuhulagway ng Kasaysayang Pilipino sa Kontemporanyong Kulturang Popular” na ginanap sa University of the Philippines Manila noong 08 Hulyo 2026 Miyerkoles ng hapon.
Ang paninindigan at mga gabay sa pagtuturo ni Prof. Alvin D. Campomanes para sa ‘Bayaniverse Trilogy: Heneral Luna (2015), Goyo (2018), at Quezon (2025)’ ay sumasalamin sa ugnayan ng kasaysayan, sining, at edukasyon o historiopotiya at pedagohiya. Ang kaniyang nilikhang study/film guide ay may layuning higitan ang simpleng panonood. Sa pamamagitan ng pelikula, kaniyang hinihikayat ang mga guro, mag-aaral, at mananaliksik na suriin ang konteksto ng kasaysayan, mga desisyon ng mga bayani, at kung paanong ang mga nabanggit ay sumasalamin sa kasalukuyang lipunan.
Samantala isang kritikal na pag-aaral ang isinagawa ni Prof. Atoy M. Navarro na naglalatag ng pundasyon sa kasaysayan, konteksto, at ebolusyon ng P-Pop (Pinoy Pop). Ang pag-aaral ay nagsusuri sa musika bilang isang anyong kontemporaryong kulturang popular ng mga Pilipino at instrumento ng pangmadlang kasaysayan.
Ang konseptong pananaliksik ni Prof. Mark Joseph P. Santos ay nagsusuri sa kung paanong ginagamit ang mga sikat na video game bilang espasyo kung saan naisasabuhay, naipapasa, at napananatili ang kultura at kasaysayan ng Pilipinas sa modernong panahon. Ang pamagat na “GG, EZ, RAK, WAP!” ay hango sa mga popular na lingo o ekspresyon ng mga manlalaro (gamers) na nangangahulugang Good Game, Easy, Rak (Rak en Rol/Galing), at Well Played – nagpapakita ng kulturang popular ng mga kabataan at manlalarong Pilipino.

Mula sa kaliwa: Prof. Mark Joseph P. Santos (DLSU), Prof. Atoy M. Navarro (UP Manila) at Prof. Alvin D. Campomanes (UP Manila)
Ang forum ay sa pagtataguyod ng mga klase ng kasaysayan na pinangunahan nina Prof. Atoy M. Navarro, Head ng Area Studies Program; Izabella Charlize G. Ferran, Pangkalahatang Pangulo ng Klase ng Kasaysayan IC; at Keona Ashley G. Capablanca, Pangkalahatang Pangulo ng Klase ng Kasaysayan ID.
