ARESTADO ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) nang makuhanan ng P340K halaga ng shabu makaraang maaresto sa buy bust operation sa Valenzuela City, Biyernes ng umaga.
Kasalkuyang nakakulong sa Custodial Facility Unit ng Valenzuela City Police Station ang suspek na si alyas “Ping”, 53, ng Brgy., Ugong at mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).
Sa ulat ni Police Investigator PSSg Cris Paul Collo kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforecement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation laban sa suspek sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng droga.
BASAHIN: 13 wanted nalambat ng NPD
Dakong alas-7 ng umaga nang makipagtransakyon umano ang suspek sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa harap ng isang junk shop sa kahabaan ng Bignay-Punturin Bypass Road, Brgy. Bignay na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya nang tanggapin ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang plastic sachet ng shabu.
Bukod sa nabiling isang plastic sachet ng umano’y shabu, nakuha pa sa suspek ang limang plastic sachets ng shabu na aabot sa kabuuang timbang na 50 grams na nagkakahalaga ng P340,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8-pirasong P1000 boodle money, P150 cash at kanyang gamit na isang motorsiklo.
