Photo credit: Philippine National Police
NASA sa P1.5 bilyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine National-Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) at Bureau of Customs (BOC) sa Malabon City, Huwebes ng hapon.
Sa isinagawang press briefing sa pangunguna ni Philippine National Police (PNP) Acting Chief LtGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kasama sina PNP Highway Patrol Group (HPG) Director PBGen. Hansel Marantan at BOC Chief PBGen. Nicolas Bathan sinabi nito na habang nagsasagawa ng anti-carnapping operation ang mga tauhan ng RHPU-NCR sa M.H. Del Pilar Avenue, Brgy. Maysilo nang mamataan ang isang riding-in-tandem na walang suot na mga helmet.
Nang pahintuin ang mga ito sa checkpoint, nagtangkang tumakas ang riding-in-tandem na dahilan upang habulin sila ng mga pulis hanggang sa makorner ang rider sa loob ng Tala Cargo Solutions sa Mabolo St., Maysilo habang nakatakas ang angkas nito.
Ayon kay Gen. Marantan, dito nadiskubre nila ang 18 40-ft container vans na naglalaman ng pinaghihinalaang smuggled na mga sigarilyo mula Korea na nagkakahalaga ng P1.5 bilyon dakong alas-2 ng hapon.
Ani Nartatez, ang pagkakadiskubre sa smuggled na mga sigarilyo ay matapos maabutan ng tauhan ng PNP-HPG ang ilang container van nakabukas habang tatlong indibiduwal din ang inaresto nang bigong magpakita ng kaukulang mga dokumento. (JUVY LUCERO)
