CAMP CAPINPIN, Rizal – Sa halip na payapang pagsalubong sa Bagong Taon, serye ng sagupaan ang naganap sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at mga elemento ng New People’s Army (NPA) sa Abra de Ilog, Occidental Mindoro nitong Huwebes, Enero 1.
Nagkasagupa ang mga tauhan mula sa pinagsanib na pwersa ng 76th Infantry (Victrix) Battalion, 1st Infantry Battalion, 59th Infantry Battalion, at 5th Scout Ranger Battalion laban sa mga labi ng nabuwag na Komiteng Larangang Gerilya–Island Committee Mindoro (KLG-ICM).
Naganap ang tatlong sunod-sunod na engkwentro sa loob ng isang araw sa Sitio Mamara, Barangay Cabacao.
Ayon sa ulat mula sa militar, isang sundalo ang kumpirmadong nasugatan sa kasagsagan ng operasyon habang kasalukuyan pang bineberipika ang bilang ng mga nasugatan o nasawi sa panig ng mga rebelde.
Binigyang-diin ni Colonel Michael Aquino, tagapagsalita ng 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division, na nangyari ang bakbakan sa kabila ng idineklarang “temporary ceasefire” ng Communist Party of the Philippines (CPP) para sa holiday season.
“Ipinapakita ng mga insidenteng ito na kahit may mga deklarasyon ng ceasefire sa publiko, may mga armadong elemento pa ring nananatiling aktibo at patuloy na nagbabanta sa seguridad ng mga komunidad,” pahayag ni Col. Aquino.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang security operations sa lugar upang pigilan ang muling pag-oorganisa ng mga rebeldeng grupo. Hinikayat din ng militar ang mga sibilyan na manatiling alerto at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar.
Tiniyak ng 2nd Infantry Division ang kanilang commitment na panatilihin ang kapayapaan at seguridad sa Occidental Mindoro sa pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan at kapulisan. (Arnold Pajaron Jr)
