Mariing ipinahayag ni Cainta Mayor Kit Nieto ang kaniyang buong suporta sa mga polisiya ng Land Transportation Office (LTO), partikular na sa pagbabawal sa mga e-trike sa mga pangunahing kalsada na nagsimulang ipatupad ngayong araw, January 2, 2025.
Sa panayam ng mga miyembro ng PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps, binigyang-diin ni Nieto ang kahalagahan ng disiplina at pagtalima sa “national directive” upang maiwasan ang kalituhan at pagkakawatak-watak sa pagpapatupad ng batas.
Ayon sa alkalde, ang hindi pagsunod sa mga polisyang galing sa itaas ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagiging mabagal ang pag-unlad at nagkakaroon ng dibisyon sa bansa.
“We don’t digress when it comes to the policies at the top. Because that’s actually one way of uniting our people and going through just one direction,” ani Nieto.
Hinimok din ni Nieto ang publiko at ang iba pang mga opisyal na bigyan ng pagkakataon ang bagong polisiya sa loob ng isa hanggang dalawang buwan upang masuri kung ito ay epektibo.
“If LTO says that is the way to do it, then they are the ones who are mandated. We will all follow. That’s the easiest way to govern,” pagtatapos ni Nieto. (Arnold Pajaron Jr)
