Naka-full alert ngayon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa inaasahang pagdagsa ng milyun-milyong pasahero na babalik sa mga urban areas matapos ang mahabang bakasyon sa Pasko at Bagong Taon.
Sa ilalim ng direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Z. Lopez, inatasan ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng tauhan ng ahensya na bantayan ang seguridad at kaayusan sa mga terminal, pantalan, at paliparan sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Mendoza na dapat tiyakin ng mga bus companies at transport operators na nasa mabuting kondisyon ang kanilang mga sasakyan (road worthy) para sa isang “glitch-free” na biyahe.
“Magsasagawa tayo ng random at surprise inspections sa pakikipagtulungan ng ibang ahensya ng gobyerno upang suriin ang pagsunod ng mga operator,” ani Mendoza. “Layunin natin na maiwasan ang anumang aksidente sa kalsada.”
Matatandaang may naitalang dalawang malubhang aksidente sa kalsada noong kasagsagan ng pag-uwi sa probinsya, kaya naman target ng ahensya na makamit ang “zero road crash” sa pagbabalik ng mga commuter.
Bukod sa mga bus, mahigpit ding babantayan ang mga taxi at ride-hailing services. Inatasan na ang lahat ng Regional Directors na mabilis na tumugon sa mga reklamo, lalo na laban sa mga driver na isnabero at nangongontrata ng pasahero.
“Tututukan natin ’yung mga reklamo ng pagiging isnabero at pangongontrata ng ilang mga taxi drivers lalo na ’yung mga nasa airport,” dagdag ni Mendoza.
Hinihikayat ng LTFRB ang mga pasahero na huwag matakot magsuplong laban sa mga tiwaling driver. Ayon kay Mendoza, lalong lalakas ang loob ng mga ito kung walang magrereklamo.
Para sa mga reklamo o katanungan, maaaring tumawag o mag-text sa LTFRB Hotline: 0956-761-0739 “Magtulungan tayo upang mapabuti ang serbisyo ng ating transportasyon,” pagtatapos ni Mendoza. (Mina Paderna)
