Mariing itinanggi ng Department of Tourism (DOT) ang mga akusasyon na ginagamit ang pondo at resources ng ahensya para i-promote si Secretary Christina Frasco sa halip na ang mga atraksyon ng bansa, matapos umani ng batikos ang isang magazine cover.
Nagsimula ang kontrobersya nang maglabas ng hinanakit sa Facebook ang litratistang si Max Abasolo (na binura na rin kinalaunan). Ayon kay Abasolo, pinakuhanan sa kanila ang halos 320 tourist spots mula Region 1 hanggang Region 13, na nagresulta sa mahigit 236,000 na litrato at 6,500 video materials.
Ngunit laking gulat niya nang makitang sa magazine cover ng Philippine Topics, tanging mukha ni Sec. Frasco ang namamayagpag sa halip na ang mga naggagandahang destinasyon sa Pilipinas.
“236,000 photos, 6,500 video materials, and this is all you would use, DOT,” saad ni Abasolo sa kaniyang post.
Dahil dito, kinuwestiyon ng mga netizen ang prayoridad ng DOT, kung saan may ilang pumuna rin sa mga karatula sa Catmon, Cebu na lantaran umanong nagtatampok sa pangalan ng pamilya Frasco.
Sa isang opisyal na pahayag nitong Miyerkules, Disyembre 31, nilinaw ng DOT na hindi nila opisyal na publikasyon ang Philippine Topics. Ayon sa ahensya, ito ay isang pribadong magazine at malayang nag-cover ng mga aktibidad kaugnay ng World Expo Osaka 2025.
Itinatanggi rin ng departamento na sila ang nagbigay ng litratong ginamit sa cover.
“Kailanman ay hindi nag-utos, pumili, o nag-apruba ang Kagawaran ng anumang litrato para sa nasabing magazine. Ang anumang insinuwasyon na mas pinili ng DOT ang imahe ng Kalihim kaysa sa mga promotional materials para sa mga destinasyon ay walang basehan at maling-mali,” pahayag ng DOT.
Binatikos din ng DOT ang pagpapakalat ng tinawag nilang “false and misleading information” na naglalayong dungisan ang imahe ng ahensya. Muli silang nangako na mananatiling tapat sa prinsipyo ng transparency, accountability, at etikong pag-promote ng turismo sa bansa.
Sa kabila ng paliwanag ng DOT, nananatiling mainit ang diskusyon sa social media tungkol sa tamang paggamit ng resources para sa promosyon ng Pilipinas sa pandaigdigang merkado.
